Newsbreak Voices: Bakit ito ang nakikita mo sa iyong Facebook news feed?

Rappler.com
Newsbreak Voices: Bakit ito ang nakikita mo sa iyong Facebook news feed?
Tingnan natin ang 4 na pangunahing dahilan kung bakit may mga post at istorya na palaging lumalabas sa Facebook news feed mo

MAYNILA, Pilipinas – Alam ito ng maraming netizen: may algorithm ang Facebook na pumipili ng mga post at istoryang pinaniniwalaan nitong may kaugnayan sa iyo. Dati, iba ang pagdaloy ng impormasyon sa social network: sunud-sunod itong lumalabas sa news feed, depende kung kailan ito ipinost.

Iba na ngayon ang Facebook feed. Para piliin kung anong mga istorya ang lalabas sa taas ng iyong news feed, nagtatalaga ang algorithm ng tinatatawag na “relevancy score.” Kung mas madalas mong basahin o kunan ng binabasa, mas mataas ang relevancy score sa iyo. Nagkakaiba ang bilang na ito sa bawa’t tao at ginagawa nitong mas personal ang iyong pansariling Facebook feed.

Anu-ano ang mga nakaaapekto sa relevancy score ng bawa’t istoryang lumalabas sa feed mo? Tingnan natin ang ilang pangunahing dahilan, na una nang naipaliwanag noong Abril ni Adam Mosseri, ang bise presidente ng Product Management for News Feedback ng Facebook.

Unang dahilan: Sino ang nag-post ng istorya?

Tinitingnan ng algorithm kung kanino ka palaging nakikipag-ugnayan, at binibigyan nito ng mas mataas na prayoridad ang mga post na galing sa mga kaibigan mong ito. Napansin mo na siguro na may mga kaibigan kang matagal mo nang di nakikitang nag-post sa Facebook. Kung matagal mo na silang hindi nakakausap, mapupunta sa ilalim ng news feed ang mga post nila, o maaari ring hindi na ito lalabas.

Kapag binisita mo ang mga profile pages nila, o di kaya’y naka-tag sila sa mga larawan o post, makadaragdag din ito sa relevancy score ng mga kaibigan mo sa Facebook.

Noong Hunyo, sinimulang bigyan ng mas mataas na prayoridad ang mga post mula sa mga kaibigan kaysa sa mga Facebook pages. Ibig sabihin, sa taas ng news feed lalabas ang mga post mula sa iyong mga kaibigan. Para sa mga Facebook pages na maaapektuhan ng pagbabagong ito, iminungkahi ng Facebook na mag-post sila ng mga bagay na mas maaaring ibahagi o i-share ng mga netizen sa kanilang mga kaibigan.

Pangalawang dahilan: Paano nakikipag-ugnayan ang mga netizen sa post na ito?

Tinitingnan ng algorithm ang mga post na may mataas na engagement, o iyong maraming mga comment, like, clicks, o share.

Ito ang dahilan kung bakit nagsisikap ang mga social media personalities na maglabas ng mga kawili-wiling mga post. Minsan, clickbait pa ang mga ito – mga post na may titulo o headline na hihimok sa mga taong pumunta sa link at basahin ito.

Sa sobrang dami ng mga clickbait post sa Facebook, sinusubukan na ng social network na bawasan ang mga ito.

Pangatlong dahilan: Anong klaseng post ito?

Tinitingnan din ng algorithm ng Facebook kung anong klaseng post ang madalas mong kaugnayan. Ito ba ay mga status message, mga link, larawan, o bidyo? Kung madalas kang manood ng bidyo, mas madalas din itong lalabas sa feed mo. Tinitingnan din ng algorithm kung anong klaseng bidyo ang madalas mong panoorin at naghahanap ito ng ilan pang mga bidyong katulad ng nakakahiligan mo. Mas madalas na lumalabas sa feed mo ang mga post na mas madalas mo ring pinapanood o binabasa.

Ayon sa artikulo ng Facebook Newsroom, binibigyang-prayoridad din ng social network ang mga post na nakapagbibigay ng impormasyon. Natutukoy nila ito sa pamamagitan ng tinatawag nilang “Feed Quality Program” base sa mga survey ng ilang libong tao bawa’t araw.

Ayon sa Facebook, ang mga lumalahok sa programang ito ang nagbibigay ng marka sa “informativeness” ng mga istoryang lumalabas sa kanilang feed.

Pang-apat na dahilan: Kailan ito ipinost?

Mas mataas na ranggo ang ibinibigay ng algorithm sa mga istoryang kamakailan lamang ipinost. Pero tinitingnan din nito kung kailan ka huling nag-log in o bumisita sa news feed. Lalabas pa rin sa news feed mo ang mga lumang post na mataas ang ranggo kung ipinost ito sa oras na offline ka.

Kung madalas kang gumamit ng Facebook, mas mataas na prayoridad ang ibinibigay sa mga bago at sariwang post. Pero kung offline ka nang ilang araw o linggo, ipakikita sa iyo ng algorithm ang mga malalaking istorya, tulad ng anunsyo ng kasal o bagong trabaho ng kaibigan mo – kahit na matagal na itong ipinost.

Mahalaga ring tandaan na madalas baguhin ng Facebook ang kanilang algorithm. Ibinabalita ang mga pagbabagong ito sa “News Feed FYI” section ng Facebook Newsroom. Dito makakukuha ng opisyal na impormasyon para sa mga nagnanais makaintindi kung bakit mas madalas lumabas ang ilang storya sa kanilang news feed. – halaw ni Katerina Francisco/Rappler.com 

6minute listen. Written by Alexis dela Cruz and Gelo Gonzales, read by Chay Hofileña, edited by Emerald Hidalgo. If you missed this story earlier, you can read the full text story here.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.