LISTEN: Naalala n’yo pa ba si Lauren Rosales? Patay na rin ang kapatid niyang si JR

Rappler.com
Tatlong buwan matapos mapatay si Lauren Rosales sa loob ng isang jeep sa Makati, pinagbabaril din ng isang di pa nakikilalang lalaki ang kanyang nakatatandang kapatid na si JR

MAYNILA, Pilipinas – “Sana ako na lang.”

Ito ang sabi ni Petronio “JR” Rosales Jr noong halos katapusan ng Hulyo nang mabaril ang kanyang nakababatang kapatid na si Lauren sa loob ng isang jeepney sa Lungsod ng Makati.

Isang K-pop fan si Lauren, ang nag-iisang kapatid ni JR. Naging biktima si Lauren ng isang di pa nakikilalang gunman. Tatlong beses at sunud-sunod nitong pinagbabaril si Lauren sa kanyang likuran noong umagang maraming papasok sa opisina, 3 buwan na ang nakalilipas. 

Walang kamuwang-muwang si JR, ang nakatatandang kapatid na hirap tanggapin ang pagkamatay ni Lauren, na pareho ang kanyang kahihinatnan. Binaril si JR ng isang di pa nakikilalang lalaki bandang 12:25 nang umaga, Miyerkules, Oktubre 26.

Naghihintay ng masasakyan si JR at isa pang kaibigan sa harap ng Dellherts Cafe Bar and Restaurant sa Yakal Street, Barangay San Antonio, Makati, nang dumating ang dalawang lalaking sakay ng isang motorsiklo.

Binaril nang malapitan ng isa sa kanila si JR, nakatutok sa kanyang kaliwang sentido.

Nakasuot ng shorts na hanggang tuhod ang haba at tsinelas na Crocs si JR nang siya ay barilin. Kinailangan ang 3 lalaki upang buhatin ang mabigat at wala nang buhay niyang katawan palayo sa dugong dumanak. Ibinuhat at ipinatong siya sa isang naghihintay na stretcher na may manipis na kutsong kulay asul.

Nakuha ng mga miyembro ng Scene of the Crime Operatives ang mga susi, sigarilyo, at pera sa bulsa ni JR. Malinaw na hindi pagnanakaw ang motibo ng mga pumaslang sa kanya.

Takot

Ayon sa isang malapit sa pamilyang Rosales, ang nakatira sa United Kingdom na si JR ay pumunta lamang sa Maynila upang asikasuhin ang benepisyo ni Lauren sa Social Security Service o SSS. Matagal nang dapat umalis pabalik ng UK si JR para makasama muli ang kanyang asawa.

“Hindi ko alam ang dapat kong maramdaman. Gusto kaming patahimikin ng mga pumatay,” sabi ng isang pang source na malapit din sa pamilya. “Manhid ang pakiramdam ko. Natatakot ako para sa aking buhay,” dagdag pa ng source na tumangging magpapangalan dahil sa takot.

Gimbal din ang ina ni Lauren at JR sa mga pangyayari.

“Tulala siya. Hindi namin siya makausap,” sabi ng source. Takot ang buong pamilya.

Ayon sa isang imbestigador, hindi pa nakikilala ang mga suspek, dahil nakasuot ang dalawang salarin ng helmet na takip ang buong mukha. Hanggang ngayon, hindi pa rin nalulutas ang kaso ng pagpatay sa kapatid ni JR.

Nang mamatay si Lauren, ang tanging nasabi ni JR ay, “Hinaharap pa niya sana ang buong buhay niya.” 

Inaasahan pa naman ng 26 anyos at cum laude na si Lauren na makakapaglakbay siya patungong Japan sa 2017. Ngunit hindi na ito mangyayari. 

Sinabi ng ilang netizen at maging isang pangunahing Filipino tabloid na may kaugnayan sa droga ang pagkamatay ni Lauren, tulad ng iba pang mga kaso. Itinatanggi ito ng pamilyang Rosales. Hindi umano gumagamit ng ilegal na droga si Lauren.

Inaasahan ang pagdating ng asawa ni JR sa Pilipinas mula sa UK para asikasuhin ang burol at pagpapalibing ng kanyang asawa. Malamang sasabihin din niyang hindi gumamit ng ilegal na droga si JR. Dumayo lamang siya rito para sa nakababatang pumanaw na kapatid. – halaw ni Katerina Francisco/Rappler.com

5minute listen. With reports by Mara Cepeda and Patricia Evangelista, read by Marguerite de Leon, edited by Exxon Ruebe. If you missed the full story in English earlier, you can read the text story here.