Laging isang masayang okasyon – at isang karangalan – ang pagbisita ng isang Papa sa ating bansa. Kaya hindi masamang maglinis at maghanda. Kailangang mapaningning ng mga awit, ng gayak, at mga pagbati ang uri ng “hospitalidad” na nagpatanyag sa ating mga Pinoy. Ngunit hindi ito nangangahulugan ng pagtatakip sa katotohanan. Nawa’y makita at madama niya ang totoong kalagayan ng mga nasalanta ng Yolanda at ng mga dumaranas ng kawalan ng katarungan.

Ngunit kung nais nating mas makilala si Pope Francis, ang tema ng hustisya ay hindi maaaring mawala. Kung tutuusin, mula sa sobrang atensyon ng ating mga obispo at pari sa mga isyu ng reproductive health, artificial means of contraception, at iba pa, ibinaling ni Pope Francis ang atensyon ng simbahan sa mga problema ng kawalan ng katarungan sa loob at labas ng Simbahang Katoliko. Ang Evangelii Gaudium, ang papal exhortation na kanyang isinulat, ay punung-puno nito.
Ang kanyang pagbatikos sa kasalukuyang sistema ng kabuhayan ay mayamang bukal ng pagsusuri. Siya lang ang bumatikos nang ganito sa negosyo at sistema ng kabuhayan. Para sa kanya, ang kabuhayang pandaigdigan ay isang sistema kung saan ginagawa at itinuturing na paninda ang tao (commodification of the human person).
Bakit lalong lumalayo ang agwat ng mahirap at mayaman, at bakit tumataas ang presyo ng bilhin? Ang sagot lagi ng mga ekonomista ay, ganyan talaga ang batas ng palengke o merkado, ang batas ng “supply and demand.” Tinawag niya itong mali at bagong diyus-diyosan (deification of the market). Para sa kanya, ang kabuhayan ay dapat lamang magsilbi sa lahat, lalo na sa mga kapos, at hindi hayaang magpahirap sa mga walang wala dahil lamang iyon ang dikta ng merkado.
Malinaw ang kanyang paalala na lalong lumalaganap ang pagwawalang bahala. Itinutulak tayo ng teknolohiya upang maging makasarili. Laging tayong nakatuon sa sarili at walang pakialam sa mga nangyayari sa paligid. Tinawag niya itong “globalization of indifference.” Dahil laging nasa balita o nasa social media ang mga pangyayari sa daigdig, maaari tayong maging manhid at masanay na tingnan lang ang mga patayan, ang mga biktima ng sakuna, ang mga biktima ng iba’t ibang kalamidad at trahedya, ngunit hindi tayo nag-uunat ng bisig upang umaruga at tunay na dumamay.
Hamon niyang laging magkaroon ng awa ang sinumang Kristiyano. Hamon niyang tayo ay laging maging mapagdamay at, mula sa puso, ay tumulong sa mga nangangailangan at may dinaramdam. Malakas at malinaw ang hamon niya sa ating kumilos nang sama-sama upang buwagin ang mga patakaran at sistemang ginagawang paninda ang tao, at ginagawang diyus-diyosan ang tubo at pananalasa ng merkado. Pangunahing sangkap ng ebanghelyo at pagsunod kay Hesus ang kumiling sa pag-aangat ang buhay ng nakararaming naghihirap – mula sa pagkakaroon ng awa (mercy) ay maging marubdob ang pagdamay (compassion) at isulong ang hustisya (justice).
Tuloy kayo, Pope Francis, sa aming bayan at sa aming mga kalooban. – Rappler.com
Arcy M. Garcia is project coordinator of Faith-Based Congress Against Immoral Debts or FCAID.
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.