Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Ibinasura na ang lahat ng kaso tungkol sa nakaw na yaman ng mga Marcos

Rappler
HINDI TOTOO: Ibinasura na ang lahat ng kaso tungkol sa nakaw na yaman ng mga Marcos
May mga kaso tungkol sa mga nakaw na yaman ng pamilyang Marcos na nakabinbin pa rin o pinal na ang hatol. Hindi sila maituturing na mga ibinasurang kaso.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Ibinasura na ang lahat ng kaso na may kinalaman sa nakaw na yaman ng mga Marcos.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: May mga kaso tungkol sa mga nakaw na yaman ng pamilyang Marcos na nakabinbin pa rin o pinal na ang hatol. Hindi maituturing na ibinasurang kaso ang mga ito.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nakita ang sabi-sabi sa isang post na ginawa noong Oktubre 21 sa Facebook page na “Atty. Larry Gadon 2022,” pati sa kalakip na larawan. Ang post ay mayroon nang humigit-kumulang na 4,900 na reaksiyon, 857 na komento, at 513 shares nang isinulat ang fact check. 
Mga detalye

May isang post na ginawa noong Oktubre 21 sa Facebook page na “Atty. Larry Gadon 2022” na nagsasabing ibinasura na ang lahat ng kaso tungkol sa nakaw na yaman ng pamilyang Marcos.

Ito ang sabi sa post, pati na rin sa kalakip na larawan: “Yung sinasabi ni Sen. Manny Pacquiao na ibalik yung nakaw na yaman ng mga Marcos na mag- sorry, lumang tugtugin na yan. Dapat niyang maintindihan lahat ng kaso ng mga nakaw na yaman na sinasabi nila ay na-dismiss na.” Ayon sa post, galing umano ang pahayag kay Larry Gadon noong Oktubre 19.

Makukumpirmang sinabi ni Gadon ang pahayag tungkol sa mga kaso ng nakaw na yaman ng mga Marcos sa edisyon noong Oktubre 19 ng palabas na “Usaping Bayan” ng SMNI News, simula 3:12.

Nang isinulat ang fact check, ang post ay nakapagtala na ng humigit-kumulang na 4,900 na reaksyon, 857 na komento, at 513 shares.

Hindi totoo ang pahayag.

Hanggang ngayon, may mga kaso tungkol sa mga nakaw na yaman ng pamilyang Marcos na nakabinbin pa rin o wala pang hatol ng korte kaya hindi maituturing na ibinasura na.

Noong Nobyembre 9, 2018, nahatulan ng Sandiganbayan si Imelda Marcos sa pitong bilang ng graft dahil sa pagtanggap ng pera mula sa mga ginawa nilang ilegal na pundasyon sa Switzerland mula 1968 hanggang 1986. 

Inapela ni Imelda Marcos ang kaso at nagbayad ito ng piyansang ₱300,000 para sa pansamantalang kalayaan. Hanggang ngayon ay wala pang pinal na desisyon mula sa korte ukol sa mga kaso, kaya hindi ito itinuturing na ibinasura. (BASAHIN: Imelda Marcos guilty of 7 counts of graft; court orders her arrest; Imelda Marcos posts P300,000-bail to enjoy freedom post-conviction

Kamakailan lamang, noong Setyembre 28, 2021, inutusan ng Sandiganbayan ang Royal Traders Holding Co. Inc. na ibalik ang nakaw na yaman ng mga Marcos na nakalagak sa kanila na may halagang ₱96.03 milyon at $5.4 milyon, pati na rin ang interes. Pinagtibay dito ng Sandiganbayan ang hatol ng isang korte sa Hawaii noong 1992. Hindi ito itinuturing na ibinasura. (BASAHIN: Anti-graft court orders turnover to PH gov’t of P1B Marcos loot)

Makikita sa isa namang fact check na isinagawa ng AFP Fact Check noong Disyembre 5, 2019 – “The Philippine Supreme Court ruled three times that Ferdinand Marcos must give back millions he stole from his country” – ang tatlo pang mga kaso na pinal na ang pasya ng korte, kaya hindi maituturing na ibinasura: ang G.R. No. 152154 na naging pinal na noong Nobyembre 18, 2003, ang G.R. 189434 noong Abril 25, 2012, at ang G.R. No. 213027 noong Enero 18, 2017.

Si Larry Gadon na isa sa mga loyalista ng mga Marcos ay tumatakbo sa pagkasenador bilang kasapi ng partidong Kilusang Bagong Lipunan o KBL.

Matatandaang umani ng batikos si Gadon noong Hunyo nang sabihin niya sa isang programa sa radyo na ang pagkamatay ni dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ay dahil sa Human Immunodeficiency Virus o HIV na nagdudulot ng Acquired Immunodeficiency Syndrome o AIDS. 

Naging kontrobersiyal din si Gadon sa pagsigaw niya noong 2018 ng “mga bobo” sa mga tagasuporta ni dating chief justice Maria Lourdes Sereno. – Percival Bueser/Rappler.com

Si Percival Bueser ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.