Marcos Fact Checks

FACT CHECK: Imposibleng may 1.9 milyong toneladang ginto si Marcos sa China

Rappler.com
FACT CHECK: Imposibleng may 1.9 milyong toneladang ginto si Marcos sa China
Paulit-ulit nang sinasabing ayon sa tala, nasa 205,238 toneladang ginto pa lamang ang namimima sa tanang kasaysayan

Ang sabi-sabi: Makukuha na raw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang interest ng Marcos account mula sa 1,922,000 toneladang gintong nakadeposito sa China. 

Ipinakita sa video na pinamagatang “GRABE INTEREST NG MARCOS ACCOUNT SA CHINA KUKUNIN NA KAYA NI PANGULONG BONGBONG MARCOS?” ang litrato ng mga dokumentong umano’y patunay ng pagdedeposito ni dating pangulong Ferdinand E. Marcos ng paunang 207,000 toneladang ginto na sinundan pa ng 1,715,000 tonelada sa bangko ng China. 

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Walang katapusan ang pagpapakalat ng sabi-sabi hinggil sa umano’y nakalululang yaman ng pamilyang Marcos na matagal nang napatunayang imposible.

Ang katotohanan: Imposible ang pagkakaroon ng halos magdadalawang milyong toneladang gintong nakadeposito sa China dahil ayon sa tala, nasa 205,238 toneladang ginto pa lang ang namimina sa tanang kasaysayan.

Imposible ang sinasabi ng kahit isa sa dalawang dokumentong ipinakita sa video tungkol sa gabundok na ginto. Nauna nang pinabulaanan ang pagkakaroon ng 1,715,000 toneladang gintong idineposito umano noong 1952. Maging ang pagkakaroon ng 217,000 toneladang gintong idineposito raw noong 1957 ay imposible rin.

Lumabas sa ginawang reverse image search na unang nailathala na sa Facebook page ng Alpha Omega World Development Marshall Programme noon pang 2017 ang mga dokumentong nagsasaad ng umano’y pagdedeposito ng mga ginto. Naitampok na ang page na ito sa isang artikulo at ilang fact check ng Rappler. 

Kilala ang page na ito sa pagpapalaganap ng Marcos gold myths at ng sabi-sabing ang pinuno nilang si Tiburcio Villamor Marcos ay anak ni dating pangulong Marcos. Galing umano sila sa angkan ng mga Tallano na sinasabing maharlikang pamilyang namumuno sa buong Pilipinas bago pa man dumating ang mga Kastila. Ano kamo ulit? – Ailla Dela Cruz/ Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.