Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Naglabas ng P500 Marcos banknote ang Bangko Sentral ng Pilipinas

Rappler
HINDI TOTOO: Naglabas ng P500 Marcos banknote ang Bangko Sentral ng Pilipinas
Sinabi ng BSP na hindi sila naglabas ng mga bagong disenyo ng salaping papel. Si dating senador Ninoy Aquino ang inilagay sa banknote na siyang napasama sa sirkulasyon.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Naglabas ng P500 banknote ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bilang paggunita sa kadakilaan ni dating pangulong Ferdinand Marcos noong panahon ng Hapon.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Ang BSP ay gumawa ng mga disenyo para sa P500 banknote noong 1985 na kasama si dating pangulong Marcos, ngunit hindi ito napasama sa sirkulasyon. Sa halip, si dating senador Ninoy Aquino ang inilagay sa banknote na siyang napasama sa sirkulasyon.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Ang post ay mayroong 5,300 reactions, 826 comments, at 763 shares bago inalis sa Facebook ang page na nag-post nito. Marami sa comments ang nag-aakalang totoo ang nasabing satirical na post. Kumakalat din ang imahe sa ibang pages.
Mga detalye

Noong Nobyembre 6, nag-share ng post ang Facebook page na “Marcos defenders 2022” mula sa Cebu Dairy News, na isang satirical Facebook page. Ayon sa orihinal na satirical post, naglabas ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng P500 banknote na nagtatampok kay dating pangulong Ferdinand Marcos. Ito raw ay bilang paggunita sa kadakilaan niya noong panahon ng Hapon.

Hindi ito totoo.

Bagaman nakalagay na sa litrato ang logo ng Cebu Dairy News na “CDN STRICAL” ay marami pa ring mga tao sa comments ang naniwala na totoo ang nakalagay na impormasyon sa post. May katulad ding post na ipinaskil ang “Balitanga News Philippines,” isa ring satirical na Facebook page, noong Nobyembre 5. Marami ring nakumbinseng mga tao sa comments.

Naglabas ng statement ang BSP sa Facebook na nagsasabing “fake news” ang post na ito at hindi sila naglabas ng mga bagong disenyo ng salaping papel.

May nailimbag nang artikulo ang Rappler noong Marso 22, 2012, ukol sa nasabing Marcos banknote. Ayon kay Fe dela Cruz, ang direktor ng BSP, totoong nagdisenyo sila ng banknote na tampok ang dating pangulong Marcos, ngunit hindi ito napasama sa sirkulasyon. Sa halip, si dating senador Ninoy Aquino ang nailagay sa banknote na siyang napasama sa sirkulasyon. 

Noong 2010 ang pinakahuling pagkakataon na naglabas ng bagong disenyo ng mga currency banknote ang BSP. Ang nakalagay sa mukha ng P500 banknote sa kasalukuyan ay sina Ninoy Aquino at dating pangulong Cory Aquino. Sa kasalukuyan rin ay wala pang opisyal na pahayag ang BSP sa paglabas ng panibagong disenyo ng mga currency banknote.

May kaparehas na ring fact-check ang Rappler ukol dito noong Disyembre 9, 2020, na nagpapatunay na hindi rin pinalitan ng BSP ang mukha ng mga Aquino ng mukha ni Marcos sa P500 na banknote.

Ang “Marcos defenders 2022” page din ay nahuli na ng mga netizen na nagkakalat ng maling impormasyon. Isa na rito ang ipinaskil nilang isang litrato diumano ng Red Day campaign rally ng kandidato sa pagkapangulo na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Ilocos Sur noong Nobyembre 7 na nagpapakita ng maramihang pagdalo ng mga panauhin na nakasuot ng red shirt bilang pagsuporta sa kandidato.

Bagaman nagsagawa nga si Bongbong ng campaign rally, hindi rito kinuha ang nasabing litrato. Kung gagamitan ng reverse image search, ang litrato ay mula sa isang protesta sa Thailand noong 2010 at walang kinalaman sa campaign rally sa Filipinas.

Dagdag pa rito, noong Nobyembre 7, bandang 5 pm, ay pinalitan ng admin ng “Marcos defenders 2022” ang pangalan ng page ng “BLock me.” Maya-maya rin ay naalis na sa Facebook ang nasabing page. – Miguel Victor Durian/Rappler.com

Si Miguel Victor Durian ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.