Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Si Bongbong Marcos ang nagpanukala ng free tuition bill, hindi si Bam Aquino

Rappler
HINDI TOTOO: Si Bongbong Marcos ang nagpanukala ng free tuition bill, hindi si Bam Aquino
Walang isinulat na free tuition bill si Bongbong Marcos, samantalang kinikilala bilang principal sponsor ng batas si dating senador Bam Aquino
Buod
  • Ang sabi-sabi: Si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. daw ang pangunahing nagpanukala ng batas para sa libreng edukasyon sa lahat ng panlalawigang unibersidad, at hindi si dating senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Ayon sa Senate Bill No. 1304, si Senator Ralph Recto ang pangunahing may akda at isa si Aquino sa mga kinikilalang principal sponsor ng batas. Walang isinulat na free tuition bill si Marcos.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Ang sabi-sabi ay mula sa isang post ng “Laban Pinas 2” na nakakalap na ng higit-kumulang sa 26,000 reactions, 5,700 comments, at 21,000 shares.
Mga detalye

Isang post mula sa “Laban Pinas 2” na pinost noong July 29, 2020, ang kumakalat muli sa Facebook at nagsasabing si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. daw ang nagsulat ng bill para sa libreng edukasyon sa mga panlalawigang unibersidad.

Sabi ng post, “BBM proposed bill for free tuition fees in STATE UNIVERSITIES since 2014 when he was a Senator NOT Bam Aquino.” (Si BBM ang nagsulat ng bill para sa libreng tuition sa mga panlalawigang unibersidad mula noong 2014 nang siya ay senador, hindi si Bam Aquino.) 

Nang isulat ang fact check, mayroon nang higit-kumulang sa 26,000 reactions, 5,700 comments, at 21,000 shares ang naturang post. May mga nagpadala rin ng post sa email ng Rappler, pati na rin sa Facebook group na “Fact-checking in the Philippines.”

Hindi totoo ang sabi-sabi.

Ayon sa Senate Bill No. 1304, si Senador Ralph Recto ang kinikilalang pangunahing may akda ng “Free Higher Education for All Act” dahil siya ang unang naghain ng bill sa 17th Congress noong June 30, 2016. Naging batas ito noong 2017.

Si Bam Aquino naman ay kinikilala bilang isa sa may akda dahil nagsumite rin siya ng parehong bill, kasama ang iba pang mga senador na nagpasa ng kanilang sariling bersiyon na sina Joel Villanueva, JV Ejercito, Sherwin Gatchalian, Kiko Pangilinan, Sonny Angara, at Loren Legarda.

Wala sa nasabing batas ang pangalan ni Marcos sa panahong ito ay nilagdaan dahil hindi na siya senador noong 2017. Wala ring isinulat na free tuition bill si Bongbong Marcos noong termino niya.

Nagmungkahi lamang si Marcos noong 2015 sa isang press briefing sa Malay, Aklan. Sabi niya, “Meron akong ipo-propose na pag-aralang mabuti na gawing na lahat ng estudyante ng SUC ay gawing libre na ang kanilang pag-aaral dahil sa kalkulasyon namin hindi gaanong kalaki ang [pondong] kakailanganin ng gobyerno na gastusin para dito.”

Hindi ibig sabihin ng pahayag na ito ay awtomatiko na siyang principal sponsor o sponsor ng nasabing bill. May prosesong sinusunod ang pagpapanukala ng batas.

Must Read

Ang principal sponsor ay kadalasan ang chair ng komite kung saan naisumite ang panukala, tulad ng sa sitwasyon ni Bam Aquino na namumuno sa committee on education, culture, and arts noong 2016. Isa rin sa criteria para matawag na principal sponsor ang pagsasasalita at pagtatanggol nito sa plenaryo. (Panuorin: Sen. Bam Aquino on the Universal Access to Quality Tertiary Education Act.)

Bigong nagawa ni Bongbong Marcos ang mga prosesong ito kaya hindi siya maituturing na sponsor o may akda ng nasabing batas.

Ang libreng edukasyon sa kolehiyo ay hindi rin isang orihinal na suhestiyon ni Marcos. Isa sa mga tagapagsulong ng ganitong mga batas ay ang yumaong si Miriam Defensor Santiago. Taong 2015 nang inihain ni Santiago ang Senate Bill No. 2839 o ang “Free ICT college act.” Matatandaang ito ay isinama rin niya sa kanyang plataporma nang mangampanya sa pagkapangulo noong 2016. Running mate niya noon si Marcos. – Angelica Flores Juan/Rappler.com

Si Angelica Flores Juan ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.