Aquino Fact Checks

KULANG SA KONTEKSTO: Ibinenta ni Cory Aquino ang PAL kay Lucio Tan

Rappler
KULANG SA KONTEKSTO: Ibinenta ni Cory Aquino ang PAL kay Lucio Tan
Upang solusyonan ang kakulangan sa pondo at pagkalugmok sa utang na iniwan ng diktadurya ni Ferdinand Marcos, ibinenta ng administrasyon ni Corazon Aquino ang 67% ng PAL sa PR Holdings noong 1992
Buod
  • Ang sabi-sabi: Ibinenta raw ng dating pangulong Corazon Aquino ang Philippine Airlines (PAL) sa negosyanteng si Lucio Tan.
  • Marka: KULANG SA KONTEKSTO
  • Ang katotohanan: Upang solusyunan ang kakulangan sa pondo at pagkalugmok sa utang na iniwan ng diktadurya ni Ferdinand Marcos, ibinenta ng administrasyon ni Aquino ang 67% ng nasabing airline sa PR Holdings noong 1992.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, ang naturang post ay mayroon nang humigit-kumulang 89,000 reactions, 18,000 comments, at 203,000 shares. Ipinagbigay-alam din ng ilang mambabasa ang post na ito sa email ng Rappler at sa “Fact-checking in the Philippines” na Facebook group.
Mga detalye

Isang post ng Facebook user na si Dolores Nellas noong July 16, 2018, ang nagsasabing ibinenta raw ng dating pangulong Corazon Aquino ang Philippine Airlines (PAL) sa negosyanteng si Lucio Tan.

“Alam ba ninyo na ang Philippine Airline ay pagmamay -ari noon ng Gobyerno ng Pilipinas sa panahon ni dating President Marcos. Subalit sa kasawiang palad ito ay ibininta ni Cory Aquino noong siya na ang naging presidente ng Pilipinas. At ibininta (sic) niya ang Philippine Airline sa kaalyado niyang si Lucio Tan,” ani Nellas sa kaniyang post.

Ipinapakita nito ang larawan ng isang eroplano ng PAL kasama ang mukha ni Aquino at diktador na si Ferdinand Marcos. Nakasulat dito ang mga salita na nakaturo kay Aquino, “Pera ng bayan ang pinangbili ko dyan, kaso ibinenta n’ya lang.”

Sa kasalukuyan, ang post ay mayroon nang humigit-kumulang 89,000 reactions, 18,000 comments, at 203,000 shares. Ipinagbigay-alam din ng mga mambabasa ang kabahabahalang post na ito sa “Fact-checking in the Philippines” na Facebook group at sa email ng Rappler.

Kulang sa konteksto ang sabi-sabing ito.

Upang solusyonan ang kakulangan sa pondo at pagkalugmok sa utang na iniwan ng diktaduryang Marcos, ibinenta ng administrasyon ni Aquino ang 67% ng PAL sa PR Holdings noong 1992.

Ang pagbebenta o pagsasapribado ng government-owned and controlled corporations (GOCCs) o mga korporasyong pagmamay-ari ng gobyerno ay nagsimula na noong dekada ’80, bago pa ang administrasyon ni Aquino. Inumpisahan ito ni Marcos upang agapan ang pinalala niyang problema sa utang at badyet ng bansa.

Noong Pebrero 18, 1986, pinirmahan ni Marcos ang Presidential Decree Blg. 2029 at 2030 na nagpaigting sa pagsasapribado ng ari-arian ng iba’t ibang institusyon sa gobyerno. Ipinagpatuloy lamang ito ni Aquino sa pamamagitan ng Philippine Privatization Program nang siya na ang naupo bilang pangulo. 

Must Read

MISSING CONTEXT: 1986 EDSA People Power caused privatization of gov’t firms

MISSING CONTEXT: 1986 EDSA People Power caused privatization of gov’t firms

Hindi rin direktang ipinagbili ng gobyerno ang PAL sa negosyanteng si Tan, isang kilalang malapit na kaibigan ni Marcos. Huli na noong nalaman na nanggaling kay Tan ang ibinayad ng kompanya.

“‘In January 1992, 67% of PAL shares were bought by PR Holdings, Inc. for P9.78 billion…. It was later determined, however, that tobacco magnate Lucio Tan, an alleged Marcos associate, had provided the bulk of the financing for Cojuangco’s PAL bid and was, therefore, the majority owner of PR Holdings,’” sipi mula sa Private Investment and Trade Opportunities economic brief na isinulat noong 1993 ni Felixberto Bustos Jr., dating executive vice president ng Land Bank of the Philippines (LBP).

(Noong Enero 1992, binili ng PR Holdings Inc. ang 67% ng PAL sa halagang P9.78 bilyon. Makalipas ang ilang taon, napag-alaman na si Lucio Tan, kilalang negosyante sa pagtatabako at sinasabing malapit na kaibigan ni Marcos, ang nagpondo sa ipinambayad ng mga Cojuangco sa PAL. Samakatuwid, pagmamay-ari niya ang kalakhan nito.)

Samantala, walang katotohanan ang nakasulat sa larawan na binili ni Marcos noon ang PAL upang maangkin ito ng gobyerno.

Sa ulat ng The Washington Post noong Abril 23, 1978, malinaw na walang natanggap na bayad si Benny Toda, ang nagmamay-ari ng nasabing airline noon, mula kay Marcos. Sa halip, sinasabing ginipit ni Marcos ang mga negosyante sa pamamagitan ng Batas Militar.

Toda…suggested a price for purchase of his 1.78 million shares in the company. Marcos reportedly promised to pay but did not respond to Toda’s offer,” sipi mula sa ulat ng nasabing internasyonal na pahayagan.

(Nagsabi si Toda ng presyo para sa ibinebenta niyang 1.78 milyong shares sa kompanya. Pinangakuan siya umano ni Marcos na babayaran ito, ngunit hindi na nito sinagot ang alok ni Toda.)

Mababasa rin sa nasabing post ang sabi-sabi na proyekto raw ni Marcos ang Ninoy Aquino International Airport (dating Manila International Airport). Hindi ito totoo. Ang pandaigdigang paliparan na ito ay matagal nang nakumpleto bago pa ang termino ni Marcos.

Marami nang naisulat na mga fact check article ang Rappler patungkol sa mga Aquino at Marcos. – Mark Vincent Tolibao/Rappler.com

Si Mark Vincent Tolibao ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.