Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Katatapos lang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang maging pangulo si Marcos

Rappler
HINDI TOTOO: Katatapos lang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang maging pangulo si Marcos
Natapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1945, samantalang naging pangulo naman si Marcos noong 1965
Buod
  • Ang sabi-sabi: Kagagaling lang ng Filipinas sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang maging pangulo si Ferdinand Marcos.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Natapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1945, samantalang naging pangulo si Marcos noong 1965. Limang pangulo ang nanungkulan sa Filipinas mula nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig hanggang bago magsimula ang administrasyong Marcos. 
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nakita ang sabi-sabi sa isang post na ginawa noong Oktubre 24 sa Facebook page na “PSSAP MEDIA.” Mayroon nang 260 na reaksiyon, 66 na komento, at 457 shares ang post nang isinulat ang fact-check.
Mga detalye

Isang post na ginawa ng Facebook page na “PSSAP MEDIA” noong Oktubre 24 ang nagsasabing naging pangulo si Ferdinand Marcos noong kagagaling lang ng Filipinas sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War II.

Ito ang sabi sa simula ng post: “Noong naging presidente si Marcos walang pera ang bansa natin kasi kagagaling lang natin sa World War II at kahit bigas kinakapos tayo.”

Nang isinulat ang fact-check, ang post ay nakapagtala na ng 260 reaksiyon, 66 na komento, at 457 shares. May kalakip din na bidyo ang post.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Nagsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1939 at natapos noong 1945.

Limang pangulo ang nanungkulan sa Filipinas mula nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig hanggang bago magsimula ang administrasyong Marcos: 

  • Manuel Roxas (1946-1948)
  • Elpidio Quirino (1948-1953)
  • Ramon Magsaysay (1953-1957)
  • Carlos P. Garcia (1957-1961), at 
  • Diosdado Macapagal (1961-1965)

Nagsimula ang administrasyong Marcos noong 1965. 

Hindi rin maituturing na tumpak ang sinabi sa post ng “PSSAP MEDIA” na walang pera ang Filipinas noong naging presidente si Marcos noong 1965. Makikita sa 1975 Philippine Statistical Yearbook ang mga detalye tungkol sa pananalapi ng bansa noong taong 1965. 

Ang mga kaukulang parte ay ang Chapter X, “Money and Banking,” kung saan makikita ang suplay ng pera sa Filipinas noong 1965; at sa Chapter XI, “Public Finance,” kung saan makikita ang nakolektang buwis ng Filipinas sa fiscal years na kasama ang 1965.

Na-fact-check na ng Rappler ang isang page na kapangalan ng “PSSAP MEDIA,” ang “PSSAP UNDERGROUND MEDIA,” kabilang ang mga sumusunod na sabi-sabi nito:

– Percival Bueser/Rappler.com

Si Percival Bueser ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.