Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Si Marcos ang nagpagawa ng Meralco

Rappler.com
HINDI TOTOO: Si Marcos ang nagpagawa ng Meralco
Hindi si Marcos ang nagpagawa ng Meralco. Taong 1903 pa naitatag ang Meralco, na noon ay mas kilala bilang Manila Electric Railroad and Light Company.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Walang karapatang magalit ang mga indibidwal sa yumaong diktador na si Ferdinand Marcos, lalo na kung ginagamit naman nila ang mga pinagawa nito, kagaya na lamang ng Meralco. 
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Hindi si Marcos ang nagpagawa ng Meralco. Taong 1903 pa naitatag ang Meralco, na noon ay mas kilala bilang “Manila Electric Railroad and Light Company.” Samantala, noong 1961, binili ang Meralco ng isang grupo ng mga negosyante, na siyang pinangunahan ni Eugenio Lopez Sr., mula sa mga Amerikanong nagmamay-ari rito.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Umabot sa 1,800 na ang nagbigay ng reaksiyon, 298 na ang nagbahagi, at 1,000 na ang nag-iwan ng komento sa naturang kasinungalingan.
Mga detalye 

Pinasaringan ng isang nag-viral na paskil sa Facebook ang mga nagbibigay ng puna laban sa yumaong diktador na si Ferdinand Marcos. Ayon dito, “Maraming galit sa mga marcos. Pero kung galit kayo panindigan nyo galit nyo. Iboycot (sic) nyo mga pagawa ni marcos.”

“[Huwag] kayo gumamit ng Meralco,” dagdag pa ng awtor ng naturang paskil. 

Hindi totoong si Marcos ang nagpagawa ng Meralco. 

Noong Marso 24, 1903, ang prangkisa’t pagpapatayo ng Manila Electric Railroad and Light Company, o mas kilala ngayon bilang “Meralco,” ay iginawad ng Municipal Board of Manila, sa bisa ng Ordinance 44, kay Charles M. Swift ng Detroit.  

Sa panahon bago naganap ang naturang konstruksyon, idinadaing ng mga opisyal ng Maynila ang mabagal na paglago ng ekonomiya na dulot umano ng “makalumang sistema ng pagsakay sa kabayo” at “kawalan ng maayos na sistema ng transportasyon.” 

Tumugon ang Meralco, hindi lamang sa aspekto ng pamamahala sa sistema ng kuryente, kundi pati na rin sa pamamahala ng kauna-unahang moderno at pampublikong transportasyon sa loob ng higit apat na dekada.  

Taong 1948, nang dahil sa Ikalawang Pandaigdigang Digmaan, itinigil ng Meralco ang pamamahala nito sa pampublikong transportasyon, at nagtuon sa sistema ng kuryente sa bansa. Pagsapit ng 1961, ipinagbili ang naturang institusyon sa grupo ng mga negosyanteng pinangungunahan ni Eugenio Lopez Sr. 

Sa isang fact check na isinulat ng Rappler, pinabulaanan na rin ang sabi-sabing “ipinagkatiwala ng mga Lopez ang Meralco kay Ferdinand Marcos Sr.”  

Ayon kay Oscar Lopez, dating tagapangulo ng Lopez Group of Companies, “kidnap-for-ransom” ang nangyaring paglipat ng Meralco sa Meralco Foundation Inc. – institusyong inorganisa ng nakababatang kapatid ni Imelda Marcos na si Benjamin “Kokoy” Romualdez – dahil sa pangako ng yumaong diktador na palalayain nito ang kanyang anak, kapalit ng pinakamalaking distributor ng kuryente sa bansa. – Rochel Ellen Bernido/Rappler.com 

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.