Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Binigyan ni Marcos ng Nutribuns ang batang Michael Jordan noong 1969

HINDI TOTOO: Binigyan ni Marcos ng Nutribuns ang batang Michael Jordan noong 1969
Ayon sa impormasyon galing sa Official Gazette, wala si Marcos sa Estados Unidos nang araw na iyon
Buod
  • Ang sabi-sabi: Binigyan ng dating pangulong Ferdinand Marcos ng Nutribuns ang batang si Michael Jordan sa Wilmington, North Carolina, noong Disyembre 24, 1969.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Ayon sa impormasyon galing sa Official Gazette, kung saan makikita ang mga ginawa ni Marcos noong mga araw mula Disyembre 19 hanggang 25, 1969, wala si Marcos sa Estados Unidos noong Disyembre 24, 1969.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nakita ang sabi-sabi sa isang post na ginawa noong Oktubre 9 ng Facebook page na “President Ferdinand Marcos.” Ang post ay mayroong humigit-kumulang na 25,000 na reaksiyon, 2,600 na komento, at 22,000 shares nang isinulat ang fact-check.
Mga detalye

May isang post na ginawa noong Oktubre 9 ang Facebook page na “President Ferdinand Marcos” na may larawang nagsasabi na noong Disyembre 24, 1969, ay may batang binigyan ni dating pangulong Ferdinand Marcos ng isang kahon ng mga Nutribun. Nang lumaki, ang bata raw na iyon ay si Michael Jordan, na naging tanyag na manlalaro ng basketball.

Ito ang sabi sa larawan: “On December 24, 1969, the Marcos family was in Wilmington, North Carolina to celebrate the holidays. President Ferdinand Marcos was walking in a park and he saw a skinny child begging for food. He gave him a whole box of nutribun and said, “Bring this with you, child, someday you will grow up to be someone important.” The kid grew up to be Michael Jordan.

(Noong Disyembre 24, 1969, nasa Wilmington, North Carolina, ang pamilyang Marcos para ipagdiwang ang Pasko. Habang naglalakad sa parke si Pangulong Ferdinand Marcos ay may nakita siyang isang payat na batang namamalimos ng pagkain. Binigyan niya ito ng isang kahon ng nutribun, at sinabihan: “Kunin mo na ito, bata. Balang araw, magiging tanyag ka.” Nang lumaki ang bata, nakilala siya bilang si Michael Jordan.)

Nang isinulat ang fact-check, ang post ay nakapaghakot na ng humigit-kumulang na 25,000 na reaksiyon, 2,600 na komento, at 22,000 shares. Tila may tonong mapang-uyam o satirical ang post, ngunit may mga mambabasang itinuturing ito na seryoso. Hindi na nabubuksan ang post na iyon, ngunit kumakalat pa rin ang larawan sa iba pang mga posts na hindi mapang-uyam, o sa mga posts na hindi matukoy kung mapang-uyam o hindi.

Hindi totoo ang pahayag. 

Sa Official Gazette, ang opisyal na talaarawan ng Republika ng Pilipinas, may isang tala na ang pamagat ay “President’s Week in Review: December 19 – December 25, 1969.” Makikita rito ang mga ginawa ni Marcos noong mga araw na iyon.

Sa bahagi para sa Disyembre 24, 1969, walang binanggit na nasa Estados Unidos si Marcos. Wala ring nabanggit na pagpunta ni Marcos sa Estados Unidos noong mga nakaraang araw. 

Makikita na ang pangunahing ginawa ni Marcos noong Disyembre 24, 1969, ay ang pagpirma ng executive order ukol sa mga buwis, paglabas ng isa pang executive order ukol naman sa edukasyon, at pagbibigay ng executive clemency para sa mga preso. 

Makikita rin sa listahan ng mga paglalakbay ng mga pangulo sa labas ng bansa, hanggang sa paglalakbay ng dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III noong February 15-17, 2016, na hind nagbiyahe palabas ng bansa si Marcos noong 1969. 

Wala ring paglalakbay na ginawa ni Marcos noong 1969, base sa datos na puwedeng i-download galing sa data.gov.ph ng mga paglalakbay ng mga pangulo sa labas ng bansa, hanggang sa paglalakbay ni Noynoy Aquino noong Mayo 10-11, 2014.

Si Michael Jordan ang itinuturing na isa sa pinakamagaling, kung hindi man ang pinakamagaling, na manlalaro ng basketball sa kasaysayan. Dinala niya ang koponang Chicago Bulls sa anim na kampeonato sa National Basketball Association (NBA) noong dekada 1990 at limang beses na naging Most Valuable Player (MVP) ng liga.

Maraming nang fact checks tungkol sa mga Marcos at sa mga pangyayari sa administrasyon ng dating pangulong Marcos ang nailathala ng Rappler. – Percival Bueser/Rappler.com

Si Percival Bueser ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.