Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Binuksan ni Marcos ang mga Swiss bank account bago maging pangulo

HINDI TOTOO: Binuksan ni Marcos ang mga Swiss bank account bago maging pangulo
Ayon sa mga dokumento, binuksan ang mga unang Swiss bank account ng mag-asawang Marcos noong taong 1968 – nasa ikatlong taon na ng pagiging presidente si Marcos
Buod
  • Ang sabi-sabi: Binuksan ng mag-asawang dating diktador na si Ferdinand Marcos at dating first lady na si Imelda Marcos ang kanilang mga Swiss bank account noong 1954 at 1963.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Ayon sa desisyon ng Korte Suprema noong 2003, binuksan ang mga unang Swiss bank account ng mag-asawang Marcos noong 1968.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Mayroong higit sa 191,000 na reaksiyon at 280,000 na shares ang bidyo sa Facebook nang isinulat ang fact-check.
Mga detalye

Sa kanyang bidyo sa YouTube noong Abril 2020, sinabi ng dating manunulat na si Rita Gadi na binuksan ang mga Swiss bank account ng mag-asawang Ferdinand at Imelda Marcos noong 1954 at 1963.

Ayon kay Gadi, binuksan ng dating first couple ang kanilang Swiss bank accounts gamit ang mga alyas na William Saunders at Jane Ryan. Dagdag niya, “Hindi pa presidente si Marcos. Abogado pa lang siya at congressman pa lang siya. Bagong kasal pa lang.”

In-upload sa Facebook ang isang bahagi ng orihinal na bidyo noong Oktubre 16, at mayroon na itong higit 191,000 na reaksiyon at 280,000 na shares nang finact-check ito.

Hindi totoo ang pahayag.

Ayon sa desisyon ng Korte Suprema noong 2003, ang mga unang bank account ng mag-asawang Marcos sa Switzerland ay binuksan noong 1968. Naging presidente siya noong 1965.

On March 20, 1968, after his second year in the presidency, Marcos opened bank accounts with SKA using an alias or pseudonym WILLIAM SAUNDERS, apparently to hide his true identity. The next day, March 21, 1968, his First Lady, Mrs. Imelda Marcos also opened her own bank accounts with the same bank using an American-sounding alias, JANE RYAN,” sulat ng desisyon.

(Noong Marso 20, 1968, pagkatapos ng kanyang pangalawang taon bilang presidente, binuksan ni Marcos ang kanyang bank account sa SKA gamit ang alias na WILLIAM SAUNDERS upang itago ang kanyang totoong pagkatao. Sa sumunod na araw, Marso 21, 1968, binuksan ng kanyang First Lady, si Gng. Imelda Marcos, ang kanyang sariling bank account gamit ang tunog-Amerikanong alyas, JANE RYAN.)

Ayon sa desisyon, $658,175,373.60 ang laman ng mga bank account na ito noong Enero 2002.

Iniulat din ng Philippine Center for Investigative Journalism, The Guardian, at Washington Post – batay sa mga dokumentong naiwan ng diktador sa Malacañang noong 1986 – binuksan ang mga Swiss bank account na ito noong 1968.

Ayon sa isang artikulo ng New York Law School (NYLS) Journal of International and Comparative Law: “There are also instances of direct transfers from the Philippine treasury of money earmarked for official purposes, such as the Intelligence Fund, to Marcos’ personal secret bank accounts in Switzerland. There were even gold transports made directly from the Philippines to Switzerland.”

(May mga pagkakataon na inilipat ang pera mula sa ingatang-yaman ng Filipinas, katulad ng Intelligence Fund, patungo sa mga sikretong bank account ni Marcos sa Switzerland. Naglipat din ng mga ginto mula sa Filipinas pa-Switzerland.)

Gumamit ang mag-asawa ng mga ilegal na pundasyon para itago ang ninakaw nilang pera. Ang kanilang mga anak na si Bongbong, Irene, at Imee, ang nakalagay na pangatlong benepisyaryo ng mga foundation na ito. (BASAHIN: Imee, Bongbong Marcos were beneficiaries of illegal Swiss foundations)

Si Bongbong ay naghain ng certificate of candidacy sa pagkapresidente noong Oktubre 6, para sa 2022 elections.

Na-fact-check ng Rappler ang ilan pang mga pahayag tungkol sa ninakaw na pera ng yumaong diktador:

– Tatiana Maligro/Rappler.com

Si Tatiana Maligro ay isang Rappler Intern. Ang fact-check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor. Basahin ito para sa karagdagang detalye tungkol sa internship program ng Rappler.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.