Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Iniligtas ng Batas Militar ni Marcos ang Filipinas mula sa CPP-NPA-NDF

HINDI TOTOO: Iniligtas ng Batas Militar ni Marcos ang Filipinas mula sa CPP-NPA-NDF
Pinalala ng Batas Militar ni Marcos ang pag-aalsa ng mga komunista at armadong rebelde sa Filipinas. Lumobo ang bilang ng miyembro ng New People's Army sa 20,000 hanggang 25,000, mula sa 60 lamang.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Iniligtas daw ng diktador na si Ferdinand Marcos ang Filipinas mula sa Communist Party of the Philippines, New People’s Army, at National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa pamamagitan ng pagdedeklara ng Batas Militar noong 1972.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Pinalala ng Batas Militar ni Marcos ang pag-aalsa ng mga komunista at armadong rebelde sa Filipinas. Lumobo ang bilang ng mga miyembro ng NPA sa 20,000 hanggang 25,000 mula 1984 hanggang 1986, mula sa 60 na miyembro noong dekada ’70. Nagkaroon din ng mga bagong miyembro ng CPP na umabot naman sa 30,000.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, ang naturang post ay mayroon nang 901 likes, 50 comments, at 2,100 shares. Ibinahagi rin ito sa Facebook group na “Marcos Forever Loyalist Active Group (MarcosFLAG)” na mayroong 1,300 likes, 208 comments, at 196 shares.
HINDI TOTOO: Iniligtas ng Batas Militar ni Marcos ang Filipinas mula sa CPP-NPA-NDF
Mga detalye

Isang post ng Facebook page na “BBM Youth Movement – Zambales” noong Agosto 18 ang nagsasabing iniligtas daw ng diktador na si Ferdinand Marcos ang Filipinas mula sa CPP-NPA sa pamamagitan ng pagdedeklara ng Batas Militar noong 1972.

“Thanks to the Martial law of late Great President Ferdinand Marcos. Our country save (sic) from communism. Kung hindi nagdeklara nang (sic) martial law ang pangulong Marcos malamang, CPP-NPA-NDF or any communist group would take over the government of the Philippines just like Taliban terrorist in Afghanistan do,” sabi ng Facebook page.

(Salamat sa Martial Law na idineklara ng dating pangulong Ferdinand Marcos. Iniligtas ang ating bansa mula sa komunismo. Kung hindi nagdeklara ng martial law ang pangulong Marcos, malamang nasakop na ng CPP-NPA-NDF o iba pang komunistrang grupo ang gobyerno ng Filipinas gaya na lamang ng nangyari sa Afghanistan.)

HINDI TOTOO: Iniligtas ng Batas Militar ni Marcos ang Filipinas mula sa CPP-NPA-NDF

Ipinapakita rin nito ang lumang larawan ng isang batang babae na nagbibigay ng bulaklak na daisy sa isang Marino, at bagong larawan ng isang grupo ng Taliban na nasa palasyo ng pagkapangulo sa Afghanistan.

Sa kasalukuyan, ito na ay mayroong 901 likes, 50 comments, at 2,100 shares. Ito ay ibinahagi rin sa “Facebook group na Marcos Forever Loyalist Active Group (MarcosFLAG),” na mayroon nang 1,300 likes, 208 comments, at 196 shares.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Pinalala ng Batas Militar ni Marcos ang pag-aalsa ng mga komunista at armadong rebelde sa Filipinas.

Sa tala ng Human Rights Watch (HRW) noong 1990 sa “The Philippines: Violations of the laws of war by both sides,” tinagurian si Marcos bilang “best recruiter” o pinakamaraming naidagdag sa NPA, ang armadong grupo ng CPP. Kapansin-pansin ang paglobo ng bilang ng mga armadong rebelde mula 1984 hanggang 1986 na umabot sa humigit-kumulang 20,000.

Iniulat din ng International Crisis Group (ICG) noong 2011 na nagsimula lamang ang NPA sa 60 na miyembro at 35 na riple noong dekada ’70, ngunit pumalo ang kanilang bilang sa 25,000 noong 1986, kasabay ng pagkakaroon ng mga bagong miyembro ng CPP, na umabot naman sa 30,000.

Isinaad ng ICG sa kanilang pag-aaral na ang pagtaas ng bilang ng NPA noon ay dulot ng kabi-kabilaang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Batas Militar at ang dayaan sa eleksiyon noong 1986. 

Sa tala ng Amnesty International (AI), humigit kumulang 3,240 ang bilang ng extrajudicial killings, 34,000 ang kaso ng torture, at 70,000 ang bilang ng mga nakulong noong Batas Militar.

Dagdag pa rito, walang kinalaman ang unang larawan sa CPP-NPA-NDF dahil ang ito ay kuha ni Roger Buendia noong kasagsagan ng 1986 People Power Revolution kung saan milyon-milyong Filipino ang nagtipon sa EDSA upang patalsikin ang diktador na si Marcos.

Hindi rin konektado ang Taliban sa komunismo, dahil sila ay isang ultrakonserbatibong relihiyoso at politikal na paksiyon sa Afghanistan. – Mark Vincent Tolibao/Rappler.com

Si Mark Vincent Tolibao ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.