Martial Law fact checks

KULANG SA KONTEKSTO: Si Ferdinand Marcos ang gumawa ng batas para sa 13th-month pay

KULANG SA KONTEKSTO: Si Ferdinand Marcos ang gumawa ng batas para sa 13th-month pay
Nilagdaan lamang ni Marcos ang Presidential Decree No. 851 o ang batas para sa 13th-month pay. Ang bumuo ng konsepto at sumulat ng batas ay ang labor leader na si Zoilo dela Cruz, na kilala rin sa bansag na 'Father of 13th Month Pay.'
Buod
  • Ang sabi-sabi: Ayon sa isang tweet, hindi dapat tumanggap ng 13th-month pay ang mga “anti-Marcos” dahil ang dating presidenteng si Ferdinand Marcos ang gumawa ng batas para rito.
  • Marka: KULANG SA KONTEKSTO
  • Ang katotohanan: Nilagdaan lamang ni Marcos ang Presidential Decree No. 851 o ang batas sa 13th-month pay. Ang tunay na bumuo ng konsepto at sumulat ng batas ay ang labor leader na si Zoilo dela Cruz, na kilala rin sa bansag na “Father of 13th Month Pay.”
  • Bakit kailangan i-fact-check: Umani ng atensiyon at iba’t ibang komento ang nasabing tweet mula sa isang account na may pangalang “Reyna Elena.” Nang i-fact-check ang sabi-sabi, mayroon na itong 86 retweets, 53 quote tweets, at 373 likes. 
Mga detalye

Sa isang tweet noong Nobyembre 2 mula sa account na may pangalang “Reyna Elena,” pinaalalahanan ang mga anti-Marcos na huwag tanggapin ang 13th-month pay sapagkat ang dating pangulong si Ferdinand Marcos raw ang gumawa ng batas na ito.

Ang tweet ay may kalakip na screenshot ng isang Facebook post mula naman sa account na nagngangalang Edwin Jamora. Ang caption sa post ni Jamora ay inulit lamang ni Reyna Elena sa kanyang tweet.

“Sa darating na pasko, pa-alala ko sa mga Anti-Marcos, di baleng mag dil dil ng asin! Wag po ninyong tanggapin ang 13th month pay. Napakawalanghiyang idea! Biro mo ginawa pang batas na bigyan kayo ng 13th month pay?! Hindi ba an laking pang iinsulto yon?! Napaka insensitve!!! Hindi siya makatao! Biro mo, pang noche buena mo, katas ni Marcos?! Ang hirap kaya lunukin noon. Tse!” pahayag ni Jamora sa kanyang mapang-uyam na post na may kasamang litratong kuha sa Facebook page ni Senator Imee Marcos upang patunayan ang kanyang sabi-sabi.

Sa kasalukuyan, hindi na matatagpuan sa Facebook ang post na ito ni Jamora.

Samantala, ang tweet naman ni Reyna Elena ay umani na ng 86 retweets, 53 quote tweets, at 373 likes nang isulat ang fact-check na ito.

Kulang sa konteksto ang sabi-sabing ito. 

Mapapansin sa larawang kuha sa Facebook page ni Senator Imee Marcos, malinaw na isinasaad na si Ferdinand Marcos ang lumagda sa batas para sa 13th month pay. 

Ang nakasulat sa larawan: “Presidential Decree No. 851, requiring all employers to pay their employees a 13th-month pay, was signed by Pres. Ferdinand E. Marcos on December 16, 1975.” Ito ay totoo

Subalit ang hindi nabanggit sa post na ito ng senador ay kung sino ang bumuo ng batas, dahilan para ipakalat ang sabi-sabi na si Ferdinand Marcos ang gumawa nito. 

Ang bumuo ng konsepto at nagsulat ng batas sa 13th-month pay ay ang abogado at dating labor representative na si Zoilo de la Cruz. Sa katunayan, siya ang tinaguriang “Father of 13th Month Pay” dahil sa akda niyang batas.

Nang lagdaan ni Marcos ang batas, tanging mga empleyado lamang na kumikita ng mas mababa sa P1000 kada buwan ang maaaring makakuha ng 13th month pay. 

Dahil sa diskriminasyon ng batas, binago ito ng dating pangulong si Corazon Aquino sa bisa ng Memorandum Order 28, at tinanggal niya ang P1,000 salary ceiling upang lahat ng empleyado ay makatanggap ng 13th-month pay kahit magkano pa ang kanilang kinikita. – Angelo Justin Barraca/Rappler.com

Si Angelo Justin Barraca ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact checklabanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.