Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Ilocos Norte ang nag-iisang probinsiya sa Filipinas na ISO-certified

Rappler
HINDI TOTOO: Ilocos Norte ang nag-iisang probinsiya sa Filipinas na ISO-certified
May mga ibang probinsiya na naging ISO-certified, katulad ng Cavite, na nauna pa sa Ilocos Norte, at ng Sorsogon
Buod
  • Ang sabi-sabi: Ang Ilocos Norte ang nag-iisang probinsiya sa Filipinas na naging ISO-certified.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: May mga ibang probinsiya na naging ISO-certified, kagaya ng Cavite, na nauna pa sa Ilocos Norte, at ng Sorsogon. 
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nakita ang sabi-sabi sa isang post ng Facebook page na “Bongbong Marcos-Sara Duterte 2022” noong Setyembre 18. May humigit-kumulang na 1,000 na reaksiyon, 41 na komento, at 138 shares ang post nang isinulat ang fact check na ito.
Mga detalye

Sa isang post sa Facebook page na “Bongbong Marcos-Sara Duterte 2022” noong Setyembre 18, sinasabing ang Ilocos Norte ang nag-iisang probinsiya sa Filipinas na naging ISO-certified. 

Ang ISO o International Organization for Standardization ay isang pandaigdigang organisasyon na nagtatakda ng “international standards” o pandaigdigang pamantayan para sa mga organisasyon. 

Ito ang sinabi sa post na tungkol sa panunungkulan ni Bongbong Marcos noong siya’y gobernador ng Ilocos Norte, noong 1983-1986 at 1998-2007: “The Real Vice President has an impressive political resume. As governor, he helped make Ilocos Norte into the only ISO-certified province in the country.”

(Kahanga-hanga ang resum´´é na pampolitika ng tunay na bise presidente. Bilang gobernador, tinulungan niya ang Ilocos Norte na maging iisang probinsiya sa bansa na maging ISO-certified.)

Nang isinulat ang fact-check, ang post ay umani na ng humigit-kumulang na 1,000 na reaksiyon, 41 na komento, at 138 na shares.

Hindi totoo ang pahayag. 

Nakuha ng Ilocos Norte ang sertipikasyong ISO 9001:2015 noong 2017. Ngunit, mula noon, may iba pang probinsiya na nakakuha ang katulad na sertipikasyon. Isa rito ang Sorsogon, na naging sertipikado rin nitong 2021.

Naging sertipikado ang Ilocos Norte noong 2013 (ISO 9001:2008), sa ilalim ng naunang mga pamantayan. Ngunit hindi lang ito ang probinsiyang nagkamit nito. Naging sertipikado rin ang Cavite noong 2012, na siyang sinabi rin sa isang resolution mula sa Senado.

Dahil naunang naging ISO-certified ang Cavite, nangangahulugan ito na hindi totoo ang pahayag sa isang opisyal na artikulo ng pamahalaan ng Ilocos Norte, na nagsasabing ang Ilocos Norte ang unang probinsiya sa bansa na naging sertipikado para sa ISO 9001:2008.

Ang seryeng ISO 9001 ang nagtatakda ng mga kailangan ng isang Quality Management System (QMS). Ayon sa ISO, ang pamantayan ay maaaring magamit ng kahit na anong organisasyon, malaki man o maliit, kahit ano pa man ang kanilang gawain. 

Ang pamantayang ISO 9001:2015 ang huling ginawang rebisyon sa serye na nailathala noong Setyembre 2015. Ang naunang ISO 9001:2008 ay nailathala noong Nobyembre 2008. – Percival Bueser/Rappler.com

Si Percival Bueser ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.