Fact checks on public officials

KULANG SA KONTEKSTO: Pacquiao naging lieutenant colonel gamit ang fake diploma

KULANG SA KONTEKSTO: Pacquiao naging lieutenant colonel gamit ang fake diploma
Ayon sa Philippine Army, binigyan si Pacquiao ng ranggong lieutenant colonel kahit wala siyang baccalaureate degree dahil kinilala ang kaniyang honorary doctorate degree in humanities mula sa Southwestern University sa Cebu
Buod
  • Ang sabi-sabi: Kinomisyong maging lieutenant colonel ng Philippine Army noong 2011 ang ngayon ay senador na si Manny Pacquiao pagkatapos niyang magpasa ng pekeng diploma.
  • Hatol: KULANG SA KONTEKSTO
  • Ang katotohanan: Ayon sa dating tagapagsalita ng Philippine Army na si Colonel Harold Cabunoc, naging lieutenant colonel si Pacquiao kahit wala siyang baccalaureate degree dahil kinilala ang kanyang honorary doctorate degree in humanities mula sa Southwestern University sa Cebu.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Ang bidyo kung saan nakasaad ang sabi-sabi na ito ay nakakalap na ng 109,302 views, 2,200 likes, at 1,067 comments nang isinulat ang fact check na ito.
Mga detalye

Isang bidyo na inilabas ng YouTube channel na “Robin Sweet Showbiz” noong Hulyo 6, 2021, ang nagsasabing binigyan ng ranggong lieutenant colonel si Senador Manny Pacquiao pagkatapos niyang magpasa ng pekeng college diploma.

Nang sinulat ang fact check na ito, nakakalap na ang video ng 109,302 views, 2,200 likes, at 1,067 comments.

Pinamagatan ang bidyo na “PANIBAGONG BAHO NI MANNY KABABAYAN NYA MISMO NAGSIWALAT! DI NAKAYANAN KASINUNGALINGAN NI MANNY.”

Ayon sa bidyo: “Noong 2011, na-promote si Manny Pacquiao bilang isang lieutenant colonel ng AFP (Armed Forces of the Philippines)…. 2019 siya grumaduate sa University of Makati at nagkaroon na ng kanyang college degree. Ibig sabihin, 2011 ay hindi pa ito college degree holder. Gayong bago ka maging isang officer ng AFP ay dapat isa kang college degree holder…anong diploma ang kanyang ipinrisinta noong 2011 gayong 2019 na siya naka-graduate daw. Isa na namang bang fake diploma ang kanyang ipinasa?”

Kulang sa konteksto ang sabi-sabing ito.

Sa ilalim ng Section 44 ng Republic Act 7077 o Citizen Armed Force or Armed Forces of the Philippines Reservist Act, “Elected officials and presidential appointees may be commissioned in the Reserve Force subject to the existing AFP rules and regulations.” (Ang mga halal na opisyal at mga hinirang ng Pangulo ay maaaring ikomisyon sa Reserve Force ayon sa umiiral na mga patakaran at regulasyon ng AFP.)

Batay sa isang artikulo ng GMA News na inilathala noong Disyembre 3, 2011, sinabi ng dating tagapagsalita ng Philippine Army na si Colonel Harold Cabunoc na, ayon sa Circular Number 4, General Headquarters (GHQ) AFP na may petsang Hulyo 5, 2010, maaaring makomisyon si Pacquiao bilang lieutenant colonel dahil naging kinatawan siya ng Sarangani mula Hunyo 30, 2010, hanggang Hunyo 30, 2016.

Sinabi rin ni Cabunoc sa isang panayam sa ABS-CBN noong Oktubre 15, 2011, na kinilala ng Army ang honorary doctorate degree in humanities ni Pacquiao mula sa Southwestern University sa lungsod ng Cebu noong Pebrero 18, 2009, upang ibigay sa kanya ang ranggo ng lieutenant colonel kahit wala siyang degree sa kolehiyo.

Sa isang pahayag na inilathala ng maraming media outlets noong Oktubre 14, 2011, sinabi ni Cabunoc na ang pagkomisyon kay Pacquiao bilang lieutenant colonel ay inirekomenda ng Army at noon ay hepe nito na si Lieutenant General Arturo Ortiz. Nauna rito, nagsilbi nang reserve senior master sergeant si Pacquiao noong 2009.

Ang rekomendasyon ni Ortiz ay batay sa pag-endoso ni Colonel Regidor dela Cruz, ang dating kumander ng Regional Community Defense Force sa Metro Manila, at ng iba pa niyang tauhan.

Ang pagkomisyon kay Pacquiao ay nilgadaan ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. nang may awtoridad mula kay pangulong si Benigno Aquino III. Naging epektibo ito noong Setyembre 21, 2011. (LIST: These celebrities are also reservists in the AFP)

Gayon pa man, sinabi ni Dr. Clarita Carlos, isang eksperto sa usapin ng seguridad at dating pangulo ng National Defense College of the Philippines, sa ABS-CBN noong Oktubre 15, 2011, na hindi sapat ang honorary degree ni Pacquiao para gawaran siya ng mas mataas na posisyon sa Army.

An honorary degree – as the term suggests, honorary – it does not confer skills, knowledge, and competencies (Isang honorary degree – nasa pangalan mismo, pandangal – hindi naman nagbibigay ito ng kasanayan, kaalaman, at kakayahan). Kaya nga honorary, ‘binibigay sa iyo nang hindi ka naghirap eh…. Hindi maganda ito. Bakit? Dahil mayroon kang national champion? That’s the problem with us (Ito ang problema sa atin), ang sense of proportion natin, sobrang baluktot,” sabi ni Carlos.

Noong Disyembre 6, 2017, ipinahayag ni Pacquiao sa isang Instagram post na matagumpay niyang naipagtanggol ang commandant’s paper upang maitaas ang kanyang ranggo hanggang koronel.

Finact-check na ng Rappler ang iba pang maling sabi-sabi ng YouTube channel na “Robin Sweet Showbiz,” kabilang ang maling impormasyon na inilabas nito tungkol sa mga senador na diumano ay kinasuhan dahil sa pagtataksil sa bayan at ang paglabas ng presidential survey ng 1Sambayan– Rappler.com

Ang fact check na ito ay salin ni Loreben Tuquero mula sa orihinal na Ingles ni Nicole Anne Perez.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.