Fact check - gov't services/laws

FACT CHECK: Hindi magmumulta kung itutupi ang P1,000 peso bill

Rappler.com
FACT CHECK: Hindi magmumulta kung itutupi ang P1,000 peso bill
Ayon sa batas, ang makukulong lamang at pagmumultahin ng P20,000 ay iyong mga sadyang sumira, pumutol, pumunit, at sumunog ng mga salapi at barya

Ang sabi-sabi: Ilegal ang pagtupi at pag-staple ng polymer na P1,000 salapi. 

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Ngayong kapaskuhan, kali-kaliwa ang bigayan ng regalong salapi, lalo na ng P1,000. Ang post na kagaya nito ay nagdudulot ng kalituhan at pagkatakot sa paggamit ng nasabing peso bill. 

Ang katotohanan: Hulyo 2022 nag-umpisang kumalat ang mga post hinggil sa multang P20,000 kung itutupi ang nasabing salapi. Ginawang basehan ng mga post na nagbababala tungkol sa multa ang Presidential Decree 247 na nagpaparusa sa pagsira sa mga salapi. 1973 pa ang batas na ito.

Sa nasabing decree, ang tanging nakasaad na maparurusahanan ay ang sadyang pagsira, pagputol, pagpunit, at pagsunog ng mga salapi at barya.

Kasunod ng pagkalat ng mga babala ay nilinaw ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong Hulyo na tatanggapin pa rin sa mga transaksiyon at maaari pa ring magamit ang mga naitupi o na-staple na P1,000 salapi. 

Dagdag pa ng bangko, hindi ilegal ang transaksiyon gamit ang mga naitupi o na-staple na pera.

Sa opisyal na guidelines na inilabas ng BSP, walang multang itinakda para sa pagtupi at pag-staple nito. Ngunit pinaalalahanan ng bangko ang publiko na ito ay hindi dapat tupuin o lukutin nang sobra, iyong mag-iiwan ng mga permanenteng marka. 

Kabilang din sa mga hindi dapat gawin sa P1,000 ay ang: 

  • Sulatan 
  • Punitin o butasan
  • I-staple o gamitan ng rubber band upang pagsama-samahin
  • Sirain ang mga clear window, metallic feature, at iba pang security feature ng salapi
  • Plantsahin
  • Ilapit sa apoy at sa mataas na temperatura
  • Ilapit sa mga nakakatunaw na kemikal gaya ng muriatic acid o bleach

– Ailla dela Cruz/ Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.