health-related fact checks

HINDI TOTOO: Magandang epekto sa kalusugan ng bawang sa ilalim ng unan

Rappler.com
HINDI TOTOO: Magandang epekto sa kalusugan ng bawang sa ilalim ng unan
Ang mga benepisyong pangkalusugan mula sa bawang ay makukuha lamang kapag kinain o dinurog ito. Hindi sapat ang paglalagay lamang nito sa ilalim ng unan. Ang iba namang benepisyo pa ay kailangan pa ng ibayong pag-aaral para mapatunayan, ayon sa mga eksperto.
Buod
  • Ang sabi-sabi: May ilang benepisyong pangkalusugan daw ang paglalagay ng bawang sa ilalim ng unan, kagaya ng paglakas ng resistensiya, gamot sa baradong ilong, at tulong magkaroon ng maginhawang pagtulog.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Ang mga benepisyong pangkalusugan mula sa bawang ay makukuha lamang kapag kinain o dinurog ito. Hindi sapat ang paglalagay lamang nito sa ilalim ng unan. Ang iba namang benepisyo pa ay kailangan pa ng ibayong pag-aaral para mapatunayan, ayon sa mga eksperto.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang 7.1 milyong views, 177,000 shares, at mahigit 5,900 comments ang bidyo na naglalaman ng sabi-sabi na ito na gawa ng Facebook page na “Just for Fun ph.”
Mga detalye

Mabilis na kumalat ang bidyo na pinamagatang, “Siguradung magugustuhan mo nadin maglagay ng bawang sa ilalim ng iyong unan gabi-gabi kapag napanuod mo ito” na ibinahagi ng “Just for Fun ph.” na Facebook page noong Enero 22.

Nang isulat ang fact check na ito, mahigit 7.1 milyong views, 177,000 shares, at 5,900 comments na ang natanggap ng bidyo.

Ayon sa bidyo, ang paglalagay raw ng sariwang bawang sa ilalim ng unan bago matulog ay maghahatid ng iba-ibang benepisyong pangkalusugan sa taong gagawa nito. 

Isang benepisyo na nabanggit ay nakakagamot daw ang bawang ng baradong ilong o nasal congestion na hatid ng sipon. Mayroon umanong allicin ang bawang na lumalaban sa impeksyon at nakatutulong sa pagtunaw ng sipon sa loob lamang ng ilang minuto.

Nakatutulong din daw ang paglalagay ng bawang sa ilalim ng unan upang magkaroon ng mas maginhawang pagtulog dahil sa mga bitaminang B1 at B6 na nakatutulong umano sa pag-iimbak ng melatonin sa katawan.

Dagdag pa, mayroon din daw na insecticidal benefits ang bawang na siyang nagtataboy sa mga maliliit na insektong gumagapang sa kama.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Ang mga benepisyong pangkalusugan mula sa bawang ay makukuha lamang kapag kinain o dinurog ito. Hindi sapat ang paglalagay lamang nito sa ilalim ng unan.

Ang iba namang benepisyo pa ay kailangan pa ng ibayong pag-aaral para mapatunayan, ayon sa mga eksperto.

Halimbawa na lamang ang pag-aaral nina Elizabeth Lissiman, Alice Bhasale, at Marc Cohen tungkol sa kakayahan ng bawang na gamutin ang sipon. Ayon sa kanilang pagsusuri, mayroong isang trial na maaaring magpakita na ang halamang ito ay puwede sa pag-iwas sa sipon, ngunit kailangan pa raw ng karagdagang pag-aaral upang mapatunayan ito.

Sa madaling salita, walang sapat na ebidensiya na ang bawang ay nakatutulong sa pagpapagaling ng sipon.

Ang antimicrobial property naman ng bawang ay nanggagaling sa allicin, na magkakabisa lamang kapag ang bawang mismo ay dinurog o kinain. Pinag-aralan din ng ilang eksperto ang epekto ng katas ng bawang sa piling insekto, at ayon sa kanila, may potensiyal nga itong maging insecticide ngunit kailangan pa ng ibayong pag-aaral.

Mayaman din sa iba’t ibang bitamina at mineral ang bawang, kabilang na ang sinasabing bitamina B1 o thiamine at bitamina B6. – Kiko Mendoza/Rappler.com

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.