health-related fact checks

HINDI TOTOO: Nakakapagpagaling ng katarata ang halamang gamot

Rappler.com
HINDI TOTOO: Nakakapagpagaling ng katarata ang halamang gamot
Walang natural na gamot sa katarata. Maaari lamang matanggal ang katarata kung sasailalim sa operasyon.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Nakakapagpagaling ng katarata ang halamang gamot.
  • Marka: HINDI TOTOO.  
  • Ang katotohanan: Walang natural na gamot sa katarata. Maaari lamang matanggal ang katarata kung sasailalim sa operasyon.  
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, umabot na sa mahigit 2,500 na reaksiyon, 318 na komento, at 187 na share ang post na naglalaman ng sabi-sabi sa Facebook. 
Mga detalye 

Mula Mayo 20, kumakalat ang isang Facebook post na nanghihikayat sa mga tao na bumili ng umano’y natural na gamot para mapagaling ang katarata.

Ang caption na nakalagay sa post ay, “Kalimutan ang iyong mga problema sa paningin.”

Kasama rin sa post ang retrato ni Raffy Tulfo, na walang koneksiyon sa post o sa sabi-sabing ito, at nakalagay ang sumusunod na pahayag: “Natuklasan ng estudyante! Bumalik ang paningin sa loob ng isang linggo.”

Makikita sa komento na libo-libong mga tao na ang napaniwala sa mga pahayag na ito. 

Ayon sa post na ito, nakakatanggal ng katarata ang natural na gamot na maaaring bilhin lamang sa Facebook page. 

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Ayon sa National Eye Institute (NEI) ng Estados Unidos, ang tanging paraan upang matanggal ang katarata ay ang pagsailalim sa operasyon. Hindi ito mapagagaling ng anumang halamang gamot o natural na gamot.

Maaari lamang pigilan o bagalan ang pagbuo ng katarata habang tumatanda sa pagiging malusog, pagsuot ng salamin lalo na kapag naaarawan, pagtigil ng paninigarilyo, at iba pa.

Kasama sa mga kumakalat na post na naglalaman ng sabi-sabing ito ay isang umano’y link kung saan makabibili ang gamot na ito. 

Walang produkto o gamot na makikita pag-click dito. 

May mga na-fact-check na ang Rappler na iba’t-ibang kasinungalingan kaugnay ng kalusugan at mga gamot. Basahin ang ilan sa mga nito: 

– Sofia Guanzon/Rappler.com 

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.