Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: May hatol ang ICJ tungkol sa ginto ni Marcos

Rappler.com
HINDI TOTOO: May hatol ang ICJ tungkol sa ginto ni Marcos
Wala sa listahan ng mga kaso o sa mga tinatawag na ‘Judgments,’ ‘Advisory Opinions,’ at ‘Orders’ ng ICJ ang may kinalaman sa anumang ginto ni Marcos
Buod
  • Ang sabi-sabi: May hatol ang International Court of Justice o ICJ tungkol sa ginto ng dating pangulong Ferdinand Marcos.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Wala sa listahan ng mga kaso o sa mga tinatawag na mga “Judgments,” “Advisory Opinions,” at “Orders” ng ICJ ang may kinalaman sa anumang ginto ni Marcos.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Maririnig ang pahayag sa gitna ng isang bidyo ng Facebook page na “Filipino Future,” na pinost noong Marso 4, na mayroon nang humigit-kumulang 1,800 na reaksiyon, 104 na komento, at 25,000 views. 
Mga detalye

May isang bidyo ang Facebook page na “Filipino Future” na pinost noong Marso 4 na nagsasabing may hatol ang International Court of Justice (ICJ) tungkol sa umano’y ginto na pag-aari ng dating pangulong Ferdinand Marcos. Sinabi na ang hatol tungkol sa sinasabing ginto ay may isinaad na 40 na taong deadline na nagtapos noong 1985. 

Simula sa 7:56 ng bidyo, maririnig ito: “Noong December 1985, natapos ang 40 years ruling ng International Court of Justice sa World War 2 loot at noon namang Year 2000 to 2005, natapos ang statute of limitations sa lahat ng iba pang mga ginto na hindi related sa Yamashita Treasures na nakalagak sa White Mongolian Account, White Vatican Account, Kiram Account at pati sa White Eagle account ni Marcos.”

Sinabi rin sa bidyo, simula sa 3:36, na ang “Yamashita Treasures” na tinutukoy ay naging parte ng ginto ni Marcos: “Inilagay ni Marcos ang kanyang mga personal na ginto, mga na-recover na ginto mula sa Yamashita Treasures o World War 2 loot ng Axis Powers, at mga naminang ginto sa Pilipinas sa isang trust account.”

Nang isinulat ang fact check, mayroon nang humigit-kumulang na 1,800 na reaksiyon, 104 na komento, at 25,000 views ang bidyo ng “Filipino Future.”

Hindi totoo ang pahayag.

Sa listahan ng ICJ ng mga kasong natanggap nito, wala rito ang may kinalaman sa umano’y ginto ni Marcos. 

Makikita rin na wala sa mga tinatawag ng ICJ na “Judgments,” “Advisory Opinions,” at “Orders” ang may kinalaman sa anumang ginto ni Marcos.

Isang beses lang din binanggit ang Filipinas sa website na may pinagsamang listahan nilang tatlo, doon sa isa nilang “Judgment” noong Oktubre 23, 2001, kung saan binanggit na ang Filipinas ay nagfile ng aplikasyon ng “Permission to Intervene” noong Marso 13, 2001 sa gitna ng usapin ng kung sa Indonesia o Malaysia ba mapupunta ang soberanya ng dalawang islang Pulau Ligitan at Pulau Sipadan.

Ang ICJ ay itinatag noong Hunyo 1945 batay sa United Nations (UN) Charter; nagsimula ang trabaho nito noong Abril 1946. Layunin nito ang lutasin – nang naaayon sa batas pandaigdig – ang mga alitang legal na ibinibigay ng mga estado, pati na rin ang magbigay ng opinyon sa mga legal na tanong na ibinibigay ng UN.

Kamakailan lamang, sinabi ng Korte Suprema na si Pangulong Rodrigo Duterte ang may pagpapasya ukol sa usapin ng pagtatanggol sa West Philippine Sea mula sa Tsina, kabilang na ang anumang hakbang na may kinalaman sa pagsampa ng kaso sa UN o sa ICJ. (BASAHIN: Supreme Court: Duterte has discretion on defense of West PH Sea)

Marami nang nafact-check ang Rappler na mga hindi totoong pahayag tungkol sa ginto na umano’y pag-aari raw ng mga Marcos. Maraming ulit na ring nafact-check ng Rappler ang “Filipino Future,” madalas dahil sa mga hindi totoong pahayag nito na binabanggit ang mga Marcos, kabilang ang mga pahayag tungkol sa gintong umano’y pag-aari raw nila. – Percival Bueser/Rappler.com

Si Percival Bueser ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.