Fake Quotes

HINDI TOTOO: Hindi uubra sa mga taga-Tondo ang mga taga-Mindanao – Moreno

Rappler
HINDI TOTOO: Hindi uubra sa mga taga-Tondo ang mga taga-Mindanao – Moreno
Walang mga ulat na nagpapatunay na sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno ang pahayag. Itinanggi rin ng Manila Public Information Office na sinabi ito ng alkalde.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Sinabi raw ni Manila Mayor Isko Moreno na hindi uubra sa kanilang mga taga-Tondo ang mga taga-Mindanao.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Walang anumang ulat ang nagpapatunay na sinabi ito ni Moreno. Itinanggi rin ng verified Facebook page ng Manila Public Information Office na nanggaling sa alkalde ang pahayag na ito.
  • Bakit kailangan i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 14,000 reaksiyon, 14,000 komento, at 15,000 shares ang post.
Mga detalye

Noong Setyembre 13, ang Facebook page na “Yellow Army” ay nag-upload ng isang pekeng quote card kasama ang larawan ni Manila Mayor Isko Moreno. Ayon dito, sinabi raw ni Morena na, “Hindi uubra sa aming mga taga Tondo yang mga taga Mindanao.”

Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 14,000 reaksiyon, 14,000 komento, at 15,000 shares ang post. Ipinadala sa email ng Rappler ang post na ito para ma-fact-check.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Itinanggi ng ng verified Facebook page ng Manila Public information Office na sinabi ni Moreno ang pahayag na ito. Sa isang Facebook post noong Setyembre 14, minarkahan ng opisina ang quote card ng “#FakeNewsAlert.”

Ayon din sa ulat ng Pilipino Star Ngayon noong Setyembre 15, pinabulaanan ni Moreno ang mga kumakalat na quote card sa social media na naglalayong pag-awayin ang mga taga Manila at Mindanao. “Huwag po tayo magpalinlang sa mga fake news na lumalabas ngayon sa social media. Ito po ay gawa-gawa lamang,” sabi ni Moreno.

Dagdag pa rito, walang anumang ulat mula sa mga lehitimong pahayagan na nagsasabing nanggaling kay Moreno ang pahayag.

Wala ring ipinakitang sanggunian ang Facebook page na “Yellow Army” para sa ipinakalat nitong pekeng quote card. Hindi rin sila maaaring ma-contact dahil walang message button ang Facebook page, at wala silang inilagay na anumang detalye gaya ng e-mail address o website.

Pormal nang nagpahayag ng intensiyong tumakbo bilang presidente si Moreno noong Setyembre 22. Katambal niya si Willie Ong, isang cardiologist at internist. – Owenh Toledo/Rappler.com

Si Owenh Toledo ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.