Election fact checks

HINDI TOTOO: Lacson, Sotto, Robredo nagsanib puwersa para sa 2022

Rappler
HINDI TOTOO: Lacson, Sotto, Robredo nagsanib puwersa para sa 2022
Bagaman nag-usap ang tatlo para sa posibleng pagtutulungan para sa darating na eleksiyon, tinanggihan na ni Robredo ang iminungkahing unification formula ng tambalang Lacson-Sotto
Buod
  • Ang sabi-sabi: Nagsanib puwersa na raw para sa eleksiyon sa 2022 sina Senador Panfilo Lacson, Senate President Vicente “Tito” Sotto III, at Bise Presidente Leni Robredo. 
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Bagaman nag-usap ang tatlo para sa posibleng pagtutulungan para sa darating na eleksiyon, tinanggihan na ni Robredo ang iminungkahi ng tambalang Lacson-Sotto.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, may higit sa 48,000 na views sa YouTube ang bidyong naglalaman ng sabi-sabing ito.
Mga detalye

Ayon sa isang bidyong inilabas ng YouTube channel na “NEWSFILES” noong Agosto 5, 2021, nagsanib puwersa na raw sina Senador Panfilo Lacson, Senate President Vicente “Tito” Sotto III, at Bise Presidente Leni Robredo para sa halalan sa 2022. 

Sa bandang ika-30 segundo ng bidyo, makikita sa ibaba ng screen ang mga salitang, “SOTTO LACSON LENI SANIB PWERSA NA.”

May higit sa 48,000 na views sa YouTube ang bidyong naglalaman ng sabi-sabing ito nang isulat ang fact check na ito.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Noong Agosto 5, sinabi ni Lacson na nakipag-usap sila ni Sotto kay Robredo para sa posibleng pagtutulungan para sa 2022, ngunit tinanggihan ng Bise Presidente ang kanilang “unification formula” laban sa administrasyong Rodrigo Duterte.

The gist of the discussion was unification: put up a common candidate, if possible, against the administration. I offered her a sure unification effort or formula to unite in the end. There was resistance,” sabi ni Lacson.

(’Yung pag-uusap namin ay tungkol sa pagkakaisa: magtalaga ng isang kandidato, kung posible, laban sa administrasyon. Inalok ko siya ng siguradong unification effort o pormula para magkaisa sa huli. Mayroon siyang pagtutol.)

Must Read

Robredo on rejecting Lacson’s ‘unification’ plan: If I run, I’ll fight until the end

Robredo on rejecting Lacson’s ‘unification’ plan: If I run, I’ll fight until the end

Sa kaniyang programa sa radyo noong Linggo, Agosto 8, ipinaliwanag ni Robredo kung bakit niya tinanggihan ang mungkahi ni Lacson. Sinabi ng Bise Presidente na sa plano ni Lacson, magsusumite ng certificate of candidacy ang lahat ng gustong tumakbong pangulo mula sa oposisyon, ngunit uurong ang mga kandidatong hindi tataas ang bilang sa surveys para ang kandidatong may pinakamataas na rating na lamang ang magpapatuloy.

“Sa akin, simple, simple ‘yung dahilan ko sa pagtutol doon sa proposal. Sa akin, ‘pag nag-file ako, kailangan kong ituloy ang laban. ‘Pag nag-file ako, hindi ako puwedeng umatras kahit gaano pa kahirap kasi prinisenta ko na ‘yung sarili ko sa publiko eh,” sabi ni Robredo.

Inanunsiyo nina Lacson at Sotto noong Hulyo 22 ang kanilang balak na tumakbo sa 2022 bilang presidente at bise presidente. Samantala, wala pang pormal na inihahayag si Robredo tungkol sa kaniyang plano sa eleksiyon sa 2022. – Pauline Macaraeg/Rappler.com

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.