Fact checks on public officials

HINDI TOTOO: Nanuhol ng bata si Leni Robredo sa Tarlac

Rappler
HINDI TOTOO: Nanuhol ng bata si Leni Robredo sa Tarlac
Ang dalawang P100 bills na hawak ni Robredo sa video ay ipinaabot ng isang bata bilang suporta sa Bise Presidente
Buod
  • Ang sabi-sabi: Nanuhol ng bata si Bise Presidente Leni Robredo sa Tarlac.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Ang video clip na ipinakita ay tungkol sa P200 na iniabot ng isang mag-ina kay Robredo bilang suporta noong pumunta siya sa Tarlac.
  • Bakit kailangan i-fact-check: Mabilis na ikinalat ng iba’t ibang Facebook users ang sabi-sabing ito. Nang isulat ang fact-check na ito, mayroon nang mahigit 21,000 reaksiyon, 4,800 komento, at 186,000 views ang post sa Facebook.
Mga detalye

Isang video noong Nobyembre 5, mula sa Facebook page na “Robin Sweet Balladeer,” ang nagsasabing nanuhol ng bata si Bise Presidente Leni Robredo sa kanyang pagbisita sa Tarlac. 

Nakalagay sa caption ng post ang linyang “LENI NANUHOL NG BATA SA TARLAC? 200 PESOS HULING HULI.”

Ang thumbnail ng nasabing video ay isang larawan ni Robredo na nagpapakita ng dalawang 100 peso bills sa kasagsagan ng kanyang motorcade sa Tarlac.

Mabilis na ikinalat ng iba’t-ibang Facebook users ang video na ito. Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 21,000 reaksiyon, 4,800 komento, at 186,000 views ang post sa Facebook.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Ang ipinakitang thumbnail sa video ay mula sa pagbisita ni Robredo sa Tarlac noong Nobyembre 3. 

Ayon sa isang opisyal na report, inabutan ng isang babae ng dalawang P100 bills si Robredo, sinabing ipinaaabot ito ng kanyang anak bilang suporta sa Bise Presidente.

Nagpasalamat naman sa isang Facebook post si Robredo sa nasabing babae dahil hindi na siya nakapagpasalamat noong iniabot sa kanya ang salapi.

“Sobrang nakaka touch, di ba? Hindi ko nakuha pangalan ng nagbigay. So kung mabasa niyo po ito, pa comment po dito para makapagpasalamat ako ng maayos,” sabi ni Robredo sa post.

Bumisita si Robredo sa Tarlac upang pangunahan ang vaccine express ng Office of the Vice President (OVP) para sa mga Aeta communities sa bayan ng Capas. 

Bukod sa pagbisita sa vaccine express ng kaniyang opisina, nag-courtesy call din si Robredo kay Tarlac Bishop Enrique Macaraeg.

Ilang beses nang na-fact-check ng Rappler ang Facebook page na “Robin Sweet Balladeer.” Basahin ang iba pang fact check ng mga sabi-sabi na mula sa nasabing page:

– Lorenz Dantes Pasion/Rappler.com

Si Lorenz Dantes Pasion ay isang Rappler Intern. Ang fact-check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor. Basahin ito para sa karagdagang detalye tungkol sa internship program ng Rappler.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.