Manipulated Images

MANIPULADONG LARAWAN: Sinabi ni Leni Robredo na si Bongbong Marcos ang pangulo niya sa 2022

Rappler
MANIPULADONG LARAWAN: Sinabi ni Leni Robredo na si Bongbong Marcos ang pangulo niya sa 2022
Minanipula ang larawan ni Robredo na kinuha noong Enero 21, 2020, sa Batangas, kung saan nagpakita siya ng papel na may nakasulat na 'LUGAW LENI'
Buod
  • Ang sabi-sabi: Sinabi ni Leni Robredo na si Bongbong Marcos ang pangulo niya sa 2022.
  • Marka: MANIPULADONG LARAWAN
  • Ang katotohanan: Ang larawan ay manipulado mula sa orihinal ni Robredo noong Enero 21, 2020, sa Batangas, kung saan nagpakita siya ng papel na may nakasulat na “LUGAW LENI” habang nagpapakain ng mga nasalanta ng pagputok ng Bulkang Taal.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nakita ang sabi-sabi sa isang post sa Facebook group na “BBM FOR PRESIDENT 2022… The REturn of the Marcoses” noong Oktubre 9. Mayroon nang humigit-kumulang sa 5,300 na reaksiyon, 1,800 na komento, at 903 shares nang sinulat ang fact-check.
Mga detalye

May isang post sa Facebook group na “BBM FOR PRESIDENT 2022… The REturn of the Marcoses” noong Oktubre 9 na nagpakita ng larawan ni Bise Presidente Leni Robredo na may hawak na “quote card” kung saan nagpahayag siya umano ng suporta sa pagtakbo ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kandidato rin sa pagkapangulo.

Heto ang ipinakitang pahayag na galing daw kay Robredo: “Pagod na ako sa paninira sa mga Marcos. BBM ang Presidente ko sa 2022.”

Nang isinulat ang fact-check, ang post ay mayroon nang humigit-kumulang na 5,300 na reaksiyon, 1,800 na komento, at 903 shares. May mga nagkomento na nagpahiwatig na pinaniwalaan nila ang post.

Manipulado ang larawan ni Robredo na ginamit sa post. 

Ang pinanggalingan ng larawang ginamit sa post ay isang bidyo na makikita sa opisyal na Facebook page ni Robredo na “VP Leni Robredo,” mula 0:29 hanggang 0:31, na ginamit rin sa mga Facebook posts ng ilang organisasyon ng media, kagaya ng TV5, Philippine Star, at ONE News.

Sa bidyo, na kinuha noong Enero 21, 2020, sa Batangas, ipinakita ni Robredo ang isang puting papel na may nakasulat na “LUGAW LENI” habang nagpapakain ng lugaw sa evacuees na nandoon pagkatapos ng pagputok ng Bulkang Taal. (BASAHIN: Take that, trolls! In Batangas, Robredo embraces the ‘Leni Lugaw’ tag)

Mula pa noong nangampanya si Robredo para sa halalan noong 2016, ginagamit na ng trolls ang bansag na “lugaw” para kutyain ang Bise Presidente mula nang may ilan siyang tagasuportang nagtinda ng lugaw para lumikom ng pondo para sa kampanya niya. (BASAHIN: Here’s how Robredo debunks ‘fake news’ vs her)

Noong Oktubre 7, namigay ang kampo ni Robredo ng lugaw sa mga mamamahayag na nag-cover ng pagpapahayag ni Robredo ng kanyang pagtakbo sa pagkapangulo. (BASAHIN: [In the Running] Day 7: Robredo finally decides and it’s looking a lot like 1992 again) Percival Bueser/Rappler.com

Si Percival Bueser ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.