Election fact checks

KULANG SA KONTEKSTO: Nilagyan ng mga tagasuporta ni Robredo ng pink sticker ang mga saging

Rappler
KULANG SA KONTEKSTO: Nilagyan ng mga tagasuporta ni Robredo ng pink sticker ang mga saging
(1st UPDATE) Ang pink sticker sa saging na nasa larawan ay bahagi ng kampanya ng Chiquita bilang pakikiisa sa buwan ng breast cancer awareness nitong Oktubre. Limang taon na nilang ginagawa ito.

Tala ng Editor: Pinalitan ng “Kulang sa Konteksto” ang dating “Hindi Totoo” na marka ng fact check na ito. In-update ng nag-post ng litrato ang caption niya. Ang dating tiyak na “Sa sobrang desperado na mga dilawang pink pati saging nilagyan na din ng ribbon,” ay dinagdagan ng salitang “baka” – “Sa sobrand desperado na mga dilawang pink baka pati saging na nilagyan ng pink ribbon aakinin na din” – kaya naging espekulasyon na lang ang pahayag. Sa mga komento sa post, marami pa ring naniniwala sa pahayag.

Buod
  • Ang sabi-sabi: Dahil sa desperasyon, nilagyan ng mga tagasuporta ni Vice President Leni Robredo ng pink ribbon sticker ang mga saging.
  • Marka: KULANG SA KONTEKSTO
  • Ang katotohanan: Ang pink sticker sa saging na nasa larawan ay bahagi ng kampanya ng Chiquita bilang pakikiisa sa buwan ng breast cancer awareness nitong Oktubre.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Naging asosasyon na ang pink sa kampo ni Robredo, ngunit ang konteksto ng kulay ay ginamit bilang pag-alaala sa mga lumalaban sa breast cancer. Nagtamo na ng 2,400 na reaksiyon, 423 na komento, at 59 shares ang Facebook post nang isulat ang fact check na ito.
Mga detalye

Namataan ang Facebook post na naglalaman ng larawan ng saging na may nakadikit na pink ribbon sticker. Kuha raw ito sa Kuwait. Ayon sa post, kagagawan daw ito ng mga tagasuporta ni Vice President Leni Robredo, na tumatakbo sa pagkapresidente.

Sabi sa caption ng larawan: “SA SOBRANG DESPERADO NA MGA DILAWANG PINK PATI SAGING NILAGYAN NA DIN NG RIBBON.. OH BILI NA NG SAGING WITH PINK RIBBON.. Photo capture in Kuwait. Salamat kabayan.”

Sa kasalukuyan, mayroong 2,400 na reaksiyon, 423 na komento, at 59 shares ang naturang Facebook post. 

Hindi ito totoo.

Ang saging na nasa larawan ay produkto ng Chiquita, isang global na producer at distributor ng mga produktong agrikultural. 

Ayon sa opisyal na website ng Chiquita, ang pagdikit ng pink sticker sa kanilang mga produkto ay bahagi ng kanilang paggunita sa breast cancer awareness month nitong Oktubre. Sa pamamagitan ng pink na sticker, ipinahahatid ng kompanya ang mensahe ng pangangalaga sa sarili, malusog na pamumuhay, at maagang deteksiyon ng breast cancer. 

Ipinabatid din noong Oktubre 20 ng Chiquita sa kanilang Facebook page ang pagpalit ng sticker.

Ikalimang taon na ng pangangampanya ng Chiquita laban sa breast cancer gamit ang mga pink na sticker. Nakisanib din ang kumpanya sa American Cancer Society upang bumuo ng anim na recipe alinsunod sa ACS nutritional guidelines gamit ang saging bilang pangunahing sangkap.

Ang Chiquita ay nagsimula noong 1877 bilang shipper ng mga saging. Sa kasalukuyan, naghahatid ng produkto ang kompanya sa halos 70 bansa. – Patrick Ernest Celso/Rappler.com

Si Patrick Ernest Celso ay isang guro, manunulat, at volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor. 

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.