Fact checks on public officials

HINDI TOTOO: Gustong bawasan ni Leni Robredo ang suweldo ng mga pulis at sundalong umaabuso nito

Rappler
HINDI TOTOO: Gustong bawasan ni Leni Robredo ang suweldo ng mga pulis at sundalong umaabuso nito
Bagaman madalas makapanayam ng Rappler si Bise Presidente Leni Robredo. hindi niya kailanman nabanggit na nais niyang ibalik sa dati ang sahod ng mga pulis at sundalo
Buod
  • Ang sabi sabi: Nais daw ibalik ni Bise Presidente Leni Robredo sa dati ang suweldo ng mga pulis at sundalo dahil inaabuso lamang naman nila ang mataas na sahod.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Hindi kailanman nabanggit ni Robredo na nais niyang ibalik sa dati ang sahod ng mga pulis at sundalo dahil umano inaabuso ng mga ito ang mataas na suweldo.
  • Bakit kailangang i-fact check: Kahit isinara na ng Facebook ang page na unang nag-post ang quote card na ito, marami pa ring mga personal na Facebook accounts ang nagbabahagi ng mga screenshot ng post.
Mga detalye

Nag-upload ang isang Facebook page na “M.I.U WIFEY” ng isang pekeng quote card kasama ang larawan ni Bise Presidente Leni Robredo. Ayon sa quote card na ito, sinabi umano ni Robredo, “Iyong mga pulis at sundalo, inaabuso na nila ang kanilang suweldo kaya dapat ibalik na sa dati, kaysa naman sila lang ang nakikinabang sa ating pera.”

Pinalalabas ng quote card na mula sa Rappler Talk interview ni Robredo ang pahayag na ito.

Habang isinusulat ang fact-check na ito, napag-alaman ng Rappler na naipasara na ang Facebook page na “M.I.U WIFEY,” ngunit may ilang personal na Facebook accounts ang nagpo-post pa rin ng screenshot ng orihinal.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Malinaw na peke ang quote card dahil hindi ito sumusunod sa style at branding ng Rappler kapag naglalabas ng quote card. 

Hindi rin malinaw sa quote card na ito kung ano ang paksa ng naging Rappler Talk, at iba pang mga detalye, gaya ng petsa.

Bagaman nakailang beses nang na-interbiyu si Robredo sa programang ito ng Rappler, kahit noong tumatakbo pa lamang itong bilang bise presidente, hindi niya kailanman nabanggit na nais niyang ibalik sa dati ang sahod ng mga pulis at sundalo. Lalong di niya inakusahan ang mga ito na inaabuso ang kanilang mataas na sahod.

Narito ang ilang mga Rappler Talk guestings ni Robredo:

Nakapanayam din ng Rappler si Barry Gutierrez, ang tagapagsalita ng Bise Presidente, gamit ang Viber noong Oktubre 26. Ayon kay Gutierrez, “[VP Leni] ​​has never called for the reduction of salaries of police or military personnel.”

(Hindi kailanman ipinanawagan ng Bise Presidente ang pagbawas ng sahod ng mga pulis at sundalo.)

Ayon din sa pagsasaliksik ng Rappler, walang mga ulat mula sa mga lehitimong news source na nagpapatunay na nagpahayag ng ganito si Robredo.

Si Robredo ay tumatakbo bilang presidente ng Filipinas sa halalan sa Mayo 2022. Kandidato niya sa pagka-bise presidente si Senador Kiko Pangilinan. – Kiko Mendoza/Rappler.com

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact checklabanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.