2022 Philippine Elections

HINDI TOTOO: Nanalo si Robredo noong 2016 dahil sa pandaraya

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

HINDI TOTOO: Nanalo si Robredo noong 2016 dahil sa pandaraya
Ibinasura na ng Korte Suprema ang electoral protest ni dating senador Bongbong Marcos dahil walang matibay na ebidensiya na nagkaroon ng dayaan noong 2016
Buod
  • Ang sabi-sabi: Nanalo raw si Bise Presidente Leni Robredo dahil sa pandaraya ng Liberal Party at Smartmatic.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Tinuldukan ng Korte Suprema noong Pebrero 2021 ang electoral protest ng kampo ni dating senador Bongbong Marcos dahil hindi ito nakapagpakita ng matibay na ebidensiya na nagkaroon ng dayaan noong 2016. Katunayan, nang bilanging muli ang mga boto sa mga lalawigang pinili ni Marcos, lumaki pa ang lamang ni Robredo.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nakita sa CrowdTangle ang mga Facebook post na naglalaman ng sabi-sabing ito. Una itong lumabas noong 2019 at ikinakalat muli ngayong 2021. Marami ring nag-email ng Rappler ng mga post na naglalaman ng sabi-sabing ito.
Mga detalye

Iba’t-ibang Facebook page at accounts ang nag-rerepost ng mga pasaring sa kasalukuyang bise presidente at ngayo’y kandidato sa pagkapresidente na si Leni Robredo.

Sabi ng mga post, “Alam naming nanalo ka lang dahil sa pangdaraya NG liberal party at smart magic (Smartmatic).”

Nakita sa CrowdTangle ang mga Facebook post na lumabas noong 2019 at ikinakalat muli ngayong 2021. Marami ring nag-email sa Rappler ng mga post na naglalaman ng sabi-sabing ito.

Isang post mula sa Facebook page na “Dugong Maharlika” noong 2019 ang mayroon nang lagpas 2,000 reactions, 493 comments, at 552 shares nang isulat ang fact check na ito. May dalawang account din na nag-repost ng sabi-sabi nitong Oktubre 2021.

Hindi totoo ang sabi-sabi.

Noong Pebrero 16, 2021, ibinasura ng Korte Suprema, bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), ang electoral protest na inihain ni Bongbong Marcos dahil sa kakulangan ng matibay na ebidensiya na nagkaroon ng dayaan noong 2016 national elections.

Idinagdag ng PET na hindi nalalayo sa naunang resulta ang kinalabasan ng muling pagbilang ng mga boto mula sa mga lalawigan na mismong si Marcos ang pumili: Negros Oriental, Iloilo, at Camarines Sur. Lumabas sa resulta ng recount na mas lumaki pa ang agwat ni Robredo kay Marcos sa mga lalawigang ito.

Sa huli, napatunayang nakakuha si Robredo ng 14,436,337 boto sa buong bansa laban sa 14,157,771 na nakuha ni Marcos.

Noong Mayo, muling naghain ng apela si Marcos upang tignan naman ang mga boto sa Lanao del Sur, Basilan, at Maguindanao, ngunit sinabi ng Korte Suprema na labag sa patakaran ang pagpili ni Marcos ng panibagong set ng mga lalawigan. Sinabi rin ng Korte Suprema na hindi nakapagpakita ang kampo ni Marcos ng matibay na ebidensiyang may dayaan noong 2016.

Must Read

Supreme Court: Robredo would still have won even if Mindanao votes voided

Supreme Court: Robredo would still have won even if Mindanao votes voided

Matatandaan na noong 2016, pinuna ng kampo ni Marcos ang datos ng electronic voting system at sinabing nagkaroon ng dayaan.

Nagbigay ng pahayag ang noo’y acting commissioner ng Commission on Elections (Comelec) na si Christian Lim ukol sa sinasabing hash code issue. Sinabi ng komisyon na ang isyu ng paglabas ng letrang “ñ” bilang “?” sa datos ay isa lamang “aesthetic issue,” at hindi ito nakakaapekto sa bilang ng boto.

Sa isang panayam sa CNN noong 2016, ipinaliwanag din ng IT expert na si Pierre Tito Galla kung ano ang hash code at kung ano ang partisipasyon nito sa automated election. Ayon kay Galla, wala siyang nakitang pagkakaiba sa mga hash code ng software ng Smartmatic machines.

Muling magtatapat sina Robredo at Marcos sa darating na halalan 2022, sa pagkakataong ito ay para naman sa pagkapresidente. – Angelica Flores Juan/Rappler.com

Si Angelica Flores Juan ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!