Ferdinand Marcos Jr.

FACT CHECK: P9.8 bilyon lamang ang inulat na naiuwi ni Marcos mula sa Belgium

Rappler.com
FACT CHECK: P9.8 bilyon lamang ang inulat na naiuwi ni Marcos mula sa Belgium
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang arrival speech na nakapag-uwi siya ng P9.8 bilyong investment pledge mula sa kanyang biyahe sa Brussels, Belgium – malayo sa $987 bilyong halagang ipinapakalat na halaga ng ilang vlogger

Ang sabi-sabi: May uwing $987 bilyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mula sa kanyang pagbisita sa Brussels, Belgium. 

Pinamagatan ang isang YouTube video: “WOW! PANGULONG BONGBONG MARCOS DUMATING NA! MAY DALANG GOOD NEWS GALING SA BRUSSELS BELGIUM $987B?”

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Ang $987 bilyong halaga ay konektado sa kontrobersiyal na halaga ng umano’y ginto ng pamilyang Marcos na nakadeposito sa bangko sa Brussels, Belgium. Ilang YouTube video na rin ang paulit-ulit na nagkokonekta ng pagbisita ni Marcos sa Belgium sa nasabing sabi-sabi. 

Inilagay ang $987 bilyong halaga sa pamagat ng video ngunit hindi naman nilinaw sa kabuuan nito kung magkano talaga ang naiuwi ng Pangulo na nagdudulot ng kalituhan sa ilang manonood base sa mga komento. 

Ang katotohanan: Malinaw na sinabi ng Pangulo sa kanyang arrival speech noong ika-15 ng Disyembre, na nakapag-uwi siya ng P9.8 bilyong investment pledges mula sa kanyang biyahe kaugnay ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-European Union (EU) Commemorative Summit noong ika-12 hanggang ika-14 ng Disyembre.

“An estimated investment pledge of P9.8 billion has been received,” ang eksaktong katagang sinabi ng Pangulo, malayo sa P987 bilyong halagang nakalagay sa titulo ng nagsisinungaling na video. 

Maging ang pakikipagkita ng Pangulo kay King Philippe ng Belgium ay walang kinalaman sa sinasabing $987 bilyong halaga. Sa pagkikita ng dalawang pinuno, inilahad ni Marcos ang mungkahing magkaroon ng joint action plan ang Belgium at Pilipinas para sa taong 2023 hanggang 2027. – Ailla Dela Cruz/ Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.