Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Hindi ibinalita ang pagpunta ni Bongbong Marcos sa Tacloban noong 2013

Rappler
HINDI TOTOO: Hindi ibinalita ang pagpunta ni Bongbong Marcos sa Tacloban noong 2013
May mga ulat na nagbanggit ng pagpunta ni Bongbong Marcos sa Tacloban pagkalipas ng Super Typhoon Yolanda
Buod
  • Ang sabi-sabi: Hindi ibinalita ng media ang pagpunta ni dating senador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Tacloban pagkalipas ng Super Typhoon Yolanda noong 2013.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: May mga ulat na nagbanggit ng pagpunta ni Bongbong Marcos sa Tacloban noong panahong iyon.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nakita ang sabi-sabi sa isang bidyo sa TikTok na ginawa ng user na si “zandergulas.” Ipinakita rin ang bidyo na iyon sa isang post na ginawa noong Oktubre 11 sa Facebook page na “BBM Supporters 2022.”
Mga detalye

May isang bidyo ang TikTok user na si “zandergulas”  na nagsasabing hindi ibinalita ng media ang pagpunta ni dating senador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Tacloban pagkalipas ng Super Typhoon Yolanda, na kilala rin sa pangalang Haiyan, na tumama sa Filipinas noong Nobyembre 2013. (BASAHIN: TIMELINE: Super Typhoon Yolanda (Haiyan))

Habang ipinapakita ang ilang mga pangyayari sa pagpunta ni Marcos noong mga panahong iyon, mababasa ito sa bidyo: “bagyong yolanda hindi manlang naibalita ito.”

Nang isinulat ang fact check, nakakalap na ang bidyo ng humigit-kumulang sa 45,800 na reaksiyon, 1,667 na komento, 2,792 na shares, at 355,700 na views.

Ipinakita rin ang bidyo sa isang post na ginawa noong Oktubre 11 ng Facebook page na “BBM Supporters 2022.” Sinabi rin sa post: “Ito ang mga pangyayari at hindi pinalabas sa SOSYAL MEDIA noon BAGYONG YOLANDA. ANO BA GALIT NILA KAY BBM? DAHIL MARCOS?” 

Nakakalap na rin ang post na ito ng humigit-kumulang sa 60,000 na reaksiyon, 4,000 na komento, at 22,000 shares, at nakapagtala ng humigit-kumulang sa 515,000 na views ang kalakip na bidyo.

Hindi totoo ang pahayag na ipinakita ng bidyo sa TikTok. 

May artikulo at bidyo ang Rappler noong Nobyembre 17, 2013, tungkol sa pagpunta ni Bongbong Marcos sa Tacloban pagkalipas ng bagyong Yolanda. Ang mayor ng Tacloban noong panahong iyon ay si Alfred Romualdez, na siya ring mayor ng Tacloban ngayon at pinsan ni Bongbong. (BASAHIN: Bongbong Marcos visits Tacloban; PANOORIN: Bongbong Marcos visits Tacloban)

May isa pang artikulo sa ABS-CBN News na inilathala noong Nobyembre 24, 2013, na pinamagatang “Tacloban and Visayas will be ‘Ground Zero’ for the 2016 race.” Isinulat ito ng mamamahayag na si Raissa Robles.

Binanggit dito na nagpunta nga sa Tacloban si Bongbong Marcos pagkalipas ng bagyong Yolanda. Binanggit din na nandoon sina Jejomar Binay, na bise presidente noon, at Mar Roxas, na kalihim noon ng Department of Interior and Local Government. 

Hindi rin tumpak ang sinabi sa Facebook post na hindi makikita sa social media ang pagdalaw ni Bongbong Marcos sa Tacloban noong mga panahong iyon. Gamit ang CrowdTangle, makikita na maraming social media posts noong Nobyembre 2013 na nagpakita ng pagpunta ni Bongbong sa Tacloban. Ang ilan pa nga doon ay nagpakita ng laman o link ng artikulo, bidyo, o Facebook post ng Rappler tungkol sa pangyayaring iyon.

Na-fact-check na ng Rappler ang ilang mga pahayag na nagsasabing hindi ibinalita ng media ang mga isyung partikular may kinalaman kay Bongbong Marcos, katulad ng maling pahayag na hindi ibinalita ng media ang pagpapakita niya sa seremonya ng pagsalubong sa labi ng mga Special Action Force (SAF) na pulis na nasawi sa Mamasapano. (BASAHIN: TIMELINE: Mamasapano clash) – Percival Bueser/Rappler.com

Si Percival Bueser ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.