Fact checks on public officials

HINDI TOTOO: 61 ang mga grupo sa party list sa kasalukuyang Kongreso

Rappler
HINDI TOTOO: 61 ang mga grupo sa party list sa kasalukuyang Kongreso
May 51 na party list na grupo sa kasalukuyang Kongreso, na may 61 na kinatawan
Buod
  • Ang sabi-sabi: 61 ang mga grupo sa party list sa kasalukuyang Kongreso.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: May 51 na grupo sa party list sa kasalukuyang Kongreso, na may 61 na kinatawan sa pangkalahatan. Nahalal ang mga 51 na grupong ito sa eleksiyon noong 2019.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Sinabi ito ni Ronald Cardema, na Commissioner ng National Youth Commission (NYC), ayon sa kalakip na quote card sa isang post noong Oktubre 28 ng opisyal na Facebook page ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Mga detalye

Sa isang post noong Oktubre 28 sa opisyal na Facebook page ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), may quote card kung saan makikita ang sinabi ni Ronald Cardema, na Commissioner ng National Youth Commission (NYC), tungkol sa Kabataan party-list group: “Bakit po sila number 61 out of 61 party-lists nung nakaraang eleksiyon? Ibig sabihin sila po yung pinaka-kulelat na partylist nung huling eleksiyon.”

Sinabi iyon ni Cardema sa isang episode ng “Laban Kasama ng Bayan” ng SMNI News noong Oktubre 26, simula sa 55:27 ng bidyo sa Facebook.

Hindi totoo ang sinabi ni Cardema na may 61 na mga grupo sa party list sa kasalukuyang Kongreso.

May 51 na grupo sa party list lamang na nanalo noong eleksiyon noong 2019 at ngayon ay nasa kasalukuyang Kongreso, at mayroong 61 na kinatawan sa pangkalahatan dahil ilan sa mga nanalong partylist ay may dalawa o tatlong kinatawan. (BASAHIN: Comelec proclaims 51 winning groups in 2019 party-list elections

Ang mga partylist na may tatlong kinatawan ay ang ACT-CIS at Bayan Muna, habang ang may dalawang kinatawan ay ang Ako Bicol, CIBAC, Ang Probinsyano, 1Pacman, Marino, at Probinsyano Ako. 

Sa 51 partylists na may naluklok na isa o higit pang kinatawan sa Kongreso, ang Kabataan Partylist ang pang-51 sa bilang ng nakuhang boto. Nakakuha sila ng 195,837 na boto, o 0.70% ng pangkalahatan. 

Isa sa mga kinatawan ng Duterte Youth party-list group si Ronald Cardema para sa eleksiyon noong 2019, ngunit kinansela ng Commission on Elections (COMELEC) ang kanyang nominasyon noong Agosto 2019.  (BASAHIN: Comelec affirms Duterte Youth’s Cardema ineligible to sit in Congress)

Naproklama naman ang Duterte Youth Party-list group noong Oktubre 2019 na ang kinatawan ay si Ducielle Cardema, ang asawa ni Ronald Cardema. (BASAHIN: Despite legal challenges, Comelec votes 4-1 to proclaim Duterte Youth)

Maraming fact-checks na ang Rappler sa mga pahayag na binanggit ang Kabataan party-list group o ang kinatawan nitong si Sarah Elago. Nafact-check na rin ng Rappler ang isang post sa Facebook page ng Duterte Youth na nagsabing ang buong populasyon ng Israel at ang buong populasyon ng mga lalaki sa South Korea ay nagseserbisyo sa militar. – Percival Bueser/Rappler.com

Si Percival Bueser ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.