Fact check - gov't services/laws

Hindi pa nagsisimula ang online registration ng SIM cards

Rappler.com
Hindi pa nagsisimula ang online registration ng SIM cards
Libre at online ang pagpaparehistro pero wala pang eksaktong petsa, oras, at proseso na inaanunsyo ang mga service provider sa kasalukuyan

Ang sabi-sabi: Nagsimula na ang SIM card registration sa service providers kaya puwede nang pumunta sa kanila para magparehistro.

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Maaari itong magdulot ng kalituhan sa proseso ng pagsunod sa SIM Card Registration Act dahil ang post sa TikTok na may sabi-sabing ito ay mayroon nang humigit-kumulang na 184,300 views, 4431 reaksiyon, at 787 komento.

Ang katotohanan: Ang poster na ginamit ay galing sa Ang Probinsyano Partylist Facebook page na naglalaman ng impormasyon tungkol sa SIM Card Registration Act. Hindi nito sinabi na puwede nang pumunta sa mga service providers para magparehistro.

Sa kasalukuyan, ang nailathala pa lang ng Globe Telecom, Inc. – ang kompanya ng brands na Globe Postpaid, Globe Prepaid, at TM, mobile virtual network operator na GOMO, at telecommunications agent partner ng Cosmic Technologies Inc. sa Cherry Prepaid – ay isang artikulo noong ika-20 ng Oktubre na naglalaman ng impormasyon tungkol sa SIM Card Registration Law. 

Nailathala rin noong ika-10 ng Oktubre sa isang artikulo ng Smart Communications, Inc., ang kompanya ng mga brands na Smart, TNT, at Sun Cellular, na ang mga paghahanda nila para sa SIM Registration ay isinasagawa na. 

Sa pahayag ni chief administrative officer Atty. Adel Tamano ng DITO Telecommunity noong ika-15 ng Oktubre, ang SIM card registration ay isasagawa sa pinakamabilis na kaya nila sa loob ng susunod na tatlong buwan.

Ayon sa Section 6 ng Republic Act No. 11934 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong ika-12 ng Oktubre 2022, ang proseso ng SIM card registration ay libre at isasagawa sa pamamagitan ng electronic platform o website na pangungunahan ng public telecommunications entities (PTEs). Parehong ang gobyerno at PTEs ang magsasagawa ng registration facilities sa remote areas na limitado ang telecommunications at internet access. 

Lahat ng prepaid, postpaid, at eSIMs users ay kinakailangang sumunod sa loob ng 180 araw mula nang simula ang katuparan ng batas noong Oktubre 10, 2022. Depende sa Department of Information and Communications Technology, maaaring mai-extend ang registration period nang hanggang 120 araw pa. – Micah Gonzales/Rappler.com

Si Micah Gonzales ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.