Duterte Fact Checks

KULANG SA KONTEKSTO: Si Duterte lang ang binigyan ng guard of honor ng Japan

Rappler
KULANG SA KONTEKSTO: Si Duterte lang ang binigyan ng guard of honor ng Japan
Lahat ng mga pinuno ng bansa na nagtutungo sa Japan para sa state visit ay sinasalubong ng guard of honor, na parte ng standard arriving ceremony ng Japan

Buod

  • Ang sabi-sabi: Si Pangulong Rodrigo Duterte lang ang binigyan ng guard of honor ng Japan sa kanyang pagbisita.
  • Marka: KULANG SA KONTEKSTO
  • Ang katotohanan: Ang video clip na ipinakita sa TikTok ay mula sa isang state visit ni Duterte sa Japan. Ang guard of honor – grupo ng mga guwardiya o sundalo na sumasalubong sa mga importanteng bisita – ay bahagi ng seremonya ng Japan kapag may bumibisitang lider ng ibang bansa.
  • Bakit kailangan i-fact-check: Mabilis na ikinalat ng iba’t ibang TikTok users ang sabi-sabing ito. Nang isulat ang fact-check na ito, mayroon nang mahigit 89,600 reaksiyon, 1,500 komento, at 555,000 views ang post sa TikTok.

Mga detalye

Isang video noong Oktubre 23 mula sa TikTok user na si “@djdaniell18” ang nagsasabing si Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang natatanging binigyan ng guard of honor ng Japan sa kanyang pagbisita.

Bagamat hindi nakalagay sa caption ng post ang sabi-sabi, ang linyang “Tanging si Duterte lang ang binigyan ng honor guards ng Japan. Ganito tinitingala ng Japan si Pangulong Duterte” ay makikita sa kabuuan ng video. 

Makikita sa video ang pagsalubong ni dating Japanese prime minister Shinzo Abe at tatlong hanay ng honor guards kay Duterte. Hawak ng mga guwardiya ang bandila ng Japan at Pilipinas na sabay na binigyang-pugay nina Abe at Duterte.

Mabilis na ikinalat ng iba’t ibang TikTok users ang sabi-sabing ito. Nang isulat ang fact-check na ito, mayroon nang mahigit 89,600 na reaksiyon, 1,500 na komento, at 555,000 na views ang post sa TikTok.

Kulang sa konteksto ang sabi-sabing ito. 

Ang ipinakitang video clip ay mula sa arrival ceremony sa state visit ni Duterte sa Japan noong 2016. 

Si Duterte ay sinalubong ng Special Guard of Honor of the Japan Ground Self-Defense Force (JGSDF) sa nasabing seremonya. 

Ayon sa website ng Ministry of Defense (MOD) ng Japan, ang arrival ceremony ay ginagawa ng JGDSF sa pagtanggap ng high-ranking guests tulad ng mga pinuno ng isang bansa kagaya ni Duterte. 

Sinabi rin sa website na tanging ang Special Guard of Honor ng JGDSF lamang ang pinapayagang magsagawa ng mga arrival ceremony. Binubuo ito ng JGDSF Central Band at 302nd Military Police Company.

Ibinibigay din ang nasabing seremonya para sa official guests na karaniwan ay matataas na opisyal ng ibang bansa at mga miyembro ng royal family, gaya ng mga prinsipe at prinsesa. 

Makikita naman sa mga Diplomatic Bluebook ng Japan ang iba pang arrival ceremony para sa mga diplomatic visits na ginanap sa nasabing bansa. 

Mapapansin sa mga Diplomatic Bluebook na iisa ang proseso ng mga arrival ceremony, gaya ng state visit ni Indonesian President Joko Widodo sa Japan noong 2015 na malaki ang pagkakapareho sa seremonya na inihanda para kay Duterte. 

Dahil sa pandemya, ang mga summit meeting at state visits noong 2020 ay ginanap sa pamamagitan ng video teleconference gaya na lamang ng 12th Mekong-Japan Summit Meeting.

Nitong Miyerkoles, Nobyembre 17, naman ay ginanap ang Japan-Philippines Summit Telephone Talk kung saan nag-usap sa telepono si Duterte at Japan Prime Minister Koshida Fumio tungkol sa pandemic response at infrastructure projects ng bansa. – Lorenz Dantes Pasion/Rappler.com

Si Lorenz Dantes Pasion ay isang Rappler Intern. Ang fact-check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor. Basahin ito para sa karagdagang detalye tungkol sa internship program ng Rappler.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.