Fact checks on public officials

HINDI TOTOO: Paunawa tungkol sa pagbili ng palay ng Palayan, Nueva Ecija mayor

Rappler
HINDI TOTOO: Paunawa tungkol sa pagbili ng palay ng Palayan, Nueva Ecija mayor
(1st UPDATE) Bagaman may kahawig na programa si Palayan Mayor Rianne Cuevas, ang Facebook page na pinagmulan ng sabi-sabi ay hindi opisyal na page ng alkalde o ng kaniyang tanggapan
Buod
  • Ang sabi-sabi: Isang post mula sa Facebook page na “Balitang Nueva Ecija” ang nagsasabing inatasan daw ni Mayor Rianne Cuevas ng Palayan, Nueva Ecija, ang aktor at tatakbong kongresista ng 1st District ng Nueva Ecija na si Rommel Padilla na bilhin ang lahat ng palay sa Nueva Ecija sa halagang P16 per kilo.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Bagaman may kahawig na programa si Palayan Mayor Rianne Cuevas, ang Facebook page na pinagmulan ng sabi-sabi ay hindi opisyal na page ng alkalde o ng kaniyang tanggapan.
  • Bakit kailangan i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 2,200 reaksiyon, 451 komento, at 651 shares ang post.
Mga detalye

Isang post noong Huwebes, Oktubre 21, sa Facebook page na “Balitang Nueva Ecija” ang nagsabing inatasan daw ni Palayan Mayor Rianne Cuevas ang aktor at tatakbong kongresista ng 1st District ng Nueva Ecija na si Rommel Padilla na bilhin ang lahat ng palay sa probinisiya sa halagang P16 per kilo.

Sabi ng Facebook post: “Kami po ay bumibili ng Palay NOW NA! Inatasan ko po si Cong. Rommel Padilla na bilhin ang lahat ng Palay sa Nueva Ecija sa halagang 16 pesos kada kilo.”

Naglagay din ang post ng mga numerong maaari umanong tawagan ng mga magsasakang nais magbenta ng kanilang palay.

Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 2,200 reaksiyon, 451 komento, at 651 shares ang post sa Facebook.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Ang Facebook page na “Balitang Nueva Ecija” ay hindi opisyal na page ni Cuevas o ng kaniyang tanggapan. Ginamit lamang ng Facebook page ang pangalan ng Palayan mayor. Mababasa rin sa comments section ng naturang post na hindi matawagan ang mga numerong nakalagay.

Sa isang Facebook post noon ding Oktubre 21, tinawag ni Cuevas na “fake news” ang Facebook post.

FAKE NEWS ALERT! Nakakalungkot po dahil hindi po namin sariling page ito at ginamit lamang po ang aking pangalan. Wala rin pong katotohanan ang mga sinabi sa post na ito,” sabi ni Cuevas sa kaniyang verified Facebook page.

Nagpaalala si Cuevas na palaging mag-ingat sa mga kumakalat sa social media. “Mag-ingat po tayo lagi sa ating mga nababasa online dahil nagkalat na po ang mga fake news,” dagdag niya.

Nagpadala rin ng message ang Rappler sa “Balitang Nueva Ecija” noong Lunes, Oktubre 25, upang humingi ng paglilinaw sa kanilang post, ngunit hindi sila tumugon.

Noong Biyernes, Oktubre 29, dalawang araw mula nang mailathala ang fact check, nagbigay ng paglilinaw ang “Balitang Nueva Ecija” sa isang Facebook post. Ipinaliwanag nito na ang pinagmulan ng kanilang impormasyon ay ang mga post nina Cuevas at Padilla. Ngunit walang opisyal na anunsiyo ang dalawa na nasa P16/kilo na ang presyo nila noong Oktubre 21. Sinabi lang ni Padilla sa isang bidyo noong araw din na iyon na nais niyang imungkahi na taasan sa P16 ang presyo sa mga susunod na araw.

Sa halip, mayrooong kaparehong programa si Cuevas na ibinahagi niya sa kaniyang opisyal na Facebook page. Noon ding Oktubre 21, nag-post si Cuevas tungkol sa programang “PALAYanihan” na sinimulan ng kanilang partido kasama si Padilla. Sa programang ito, binibili ng partido ang palay sa mas mataas na halaga upang makatulong sa mga magsasaka.

Ayon kay Cuevas, nabibili lang daw ang sariwang palay ng mga magsasaka sa halagang P12 kada kilo. Noong Oktubre 20, nagsimulang mamili ang partido ni Cuevas ng sariwang palay sa bayan ng Cuyapo sa halagang P15 per kilo. Plano pa ng partido na pumunta sa mas maraming lugar sa Nueva Ecija at gawing pangmatagalan ang programang “PALAYanihan.”

Walang iniwan na mga numero si Cuevas sa kaniyang post.

Mayroon ding katulad na programa ang kasalukuyang gobernador ng Nueva Ecija na si Aurelio Umali, katuwang ang Department of Agriculture. – Owenh Toledo/Rappler.com

Must Read

‘Break even’ is already good news as PH rice granary struggles during pandemic

‘Break even’ is already good news as PH rice granary struggles during pandemic

Si Owenh Toledo ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.