Fact check - gov't services/laws

Hindi natuloy ang Parañaque Spillway dahil sa kakulangan ng pondo

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Hindi natuloy ang Parañaque Spillway dahil sa kakulangan ng pondo
Naging balakid ang kakulangan sa pondo at ang isyu sa ‘right of way’ sa pagpapagawa ng Parañaque Spillway

Ang sabi-sabi: Ipinatigil ng dating presidenteng Corazon “Cory” Aquino ang proyektong Parañaque Spillway. Hindi ito tinuloy dahil ang planner nitong si Felino “Jun” Palafox Jr. ay kabilang sa administrasyon ni Ferdinand E. Marcos.

Marka: KULANG SA KONTEKSTO 

Ang sabi sa video: (1:53 – 2:05) “’Yung Manggahan Floodway ay natapos nang ipagawa bago ang 1986 EDSA. Ngunit ang Parañaque Spillway ay hindi nagawa dahil ipinatigil ni Cory Aquino ang naturang project.”

(2:40 – 2:50) “Magaling na urban planner si Jun Palafox, pero dahil urban planner siya noong kapanahunan ni Marcos, hindi siya pinapakinggan ng mga anti-Marcos na politiko.”

Bakit kailangang i-fact-check: Ang YouTube video na naglalaman ng sabi-sabi ay mula sa account na nagngangalang Bagong Lipunan na mayroon nang mahigit 171,000 subscribers. Ang video ay nakakuha na ng 5,000 views, 402 likes, at 44 comments sa oras na isinulat ang fact check na ito. 

Ang katotohanan: Sa Executive Order No. 52 ni Aquino ay inaatasan niya ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magbigay ng nararapat na technical assistance sa pagpapatuloy, pagtatapos, at pagpapatupad ng mga bago at “existing” na proyekto. 

Flood control projects: Ayon sa 2009 report ng Laguna Lake Development Authority (LLDA), nagsimulang magsagawa ang gobyerno ng mga flood control projects noong 1970s at binubuo ito ng Manggahan Floodway, Camanava flood control project, lakeshore dike, at Parañaque Spillway.

Natapos ang konstruksiyon ng Manggahan floodway noong 1988 habang hindi masimulan ang Parañaque Spillway dahil sa mga isyu ng kakulangan sa pondo, pati na ang “land acquisition” at “house evacuation.” 

Problema sa pondo, at isyu sa right of way: Sa Presidential Decree (PD) No. 475 ni dating pangulong Marcos noong 1974, ang pondong inilaan para sa Parañaque Spillway ay nagkakahalagang P62 million. Ngunit sa PD 1062 na inilabas noong 1976, umabot ito ng P188 million. 

Sa isang 2009 press release ni noo’y Senate majority leader Juan Miguel Zubiri, sinabi niyang ang konstruksiyon ng Parañaque Spillway ay hindi natuloy dahil sa “costing problem” at “right of way” na mga isyu. 

Noong 2010, iginiit ni Palafox na ang Parañaque Spillway na opisyal na iminungkahi noong 1976 hanggang 1977 sa metro plan ay hindi nagawa dahil sa mga naging hadlang sa oras at kakulangan sa pondo. – Stephanie Caesar/Rappler.com

Si Stephanie Caesar ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!