Fact checks about countries

HINDI TOTOO: Wala nang utang ang Pilipinas

Rappler.com
HINDI TOTOO: Wala nang utang ang Pilipinas
Base sa datos noong Abril 2022 mula sa Bureau of Treasury ng Department of Finance, ang pambansang utang ng Pilipinas ay nasa mga ₱12.763 trilyon
Buod
  • Ang sabi-sabi: Wala nang utang ang Pilipinas. 
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Base sa datos noong Abril 2022 mula sa Bureau of Treasury ng Department of Finance, ang pambansang utang ng Pilipinas ay nasa mga ₱12.763 trilyon.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Makikita ang pahayag sa iyon sa pamagat ng video na in-upload noong Mayo 22 ng YouTube channel na “Mimaa.” Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang 51,842 views ang video.
Mga detalye

Sinabi sa pamagat ng isang video na in-upload sa YouTube channel na “Mimaa” noong Mayo 22, 2022, na wala nang utang ang Pilipinas. Nabayaran na umano ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng utang ng bansa.

Heto ang pamagat ng video: “WALA NANG UTANG ANG PILIPINAS! BINAYARAN NA NI DUTERTE! KASO HINDI BINALITA NG ABS, GMA, RAPPLER.”

Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang 51,842 views ang video.

Hindi totoo na wala nang utang ang Pilipinas. 

Base sa datos noong Abril 2022 mula sa Bureau of Treasury ng Department of Finance, ang pambansang utang ng Pilipinas ay nasa mga ₱12.763 trilyon.

Ipinakita rin sa video ng YouTube channel na “Mimaa” ang isang artikulo mula sa Manila Bulletin na may headline na “Gov’t settles 300-B central bank loan” ni Chino S. Leyco na inilathala noong Mayo 20, 2022. Ang tinutukoy doon ay hindi ang kabuuan ng utang ng Pilipinas kundi ang utang ng gobyerno sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). 

Ang parte na iyon tungkol sa ₱300 bilyon o ₱300,000,000,000 na utang ng gobyerno na binayaran sa BSP ay naibalita rin noong Mayo 20 ng ABS-CBN News at ng GMA News, taliwas sa nakalagay sa pamagat at sa ilang sinabi sa video. – Percival Bueser/Rappler.com 

Si Percival Bueser ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.