Fact checks about countries

KULANG SA KONTEKSTO: Nakuha sa Pilipinas ang Scarborough Shoal

Rappler
KULANG SA KONTEKSTO: Nakuha sa Pilipinas ang Scarborough Shoal
Idineklara ng isang arbitral tribunal noong 2016 na common fishing ground ang Scarborough Shoal. Ayon sa hatol, kapuwa may kinamulatang karapatan dito ang maliliit na mangingisdang Filipino at Tsino.
Kabuuan:
  • Ang sabi-sabi: Nakuha mula sa Pilipinas ang Scarborough Shoal noong panahon ni Aquino.
  • Hatol: KULANG SA KONTEKSTO
  • Ang katotohanan: Idineklara ng isang arbitral tribunal noong 2016 na common fishing ground ang bahura (shoal sa Ingles) ng Scarborough. Ayon sa hatol, kapuwa may kinamulatang karapatan dito ang maliliit na mangingisdang Filipino at Tsino. Hindi maaaring pigilan ng China o ng Pilipinas ang mga mamamayan ng kabilang bansa na makinabang sa shoal.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang isinulat ang fact check na ito, nakapagtamo na ng 970 na reaksiyon, 355 na puna, at 247 shares ang Facebook post tungkol sa sabi-sabing ito. Ipinost ito sa isang grupo sa Facebook na mayroong 68,000 na miyembro.

Mga detalye:

Noong Abril 12, nag-post si Tesio Marlon sa Facebook group na RUN SARA RUN for PRESIDENT ng isang larawan na may ganitong pahayag: “Media is telling a lie. We lost Scarborough Shoal during PNOY. We did not lose any of the remaining islands/water features in the West Philippine Sea during DUTERTE.

(Nagsisinungaling ang media. Nakuha sa atin ang Scarborough Shoal noong panahon ni PNOY. Wala tayong ibang nawalang isla o anyong tubig sa West Philippine Sea nitong panahon ni DUTERTE.)

Kulang ito sa konteksto.

Nagsampa ng arbitration case ang Pilipinas noong 2013 sa isang arbitral tribunal sa The Hague, Netherlands laban sa pag-aangkin ng China ng karagatan batay sa 9-dash line. Pinaboran ng tribunal na tagapag-ayos ng sigalot ang Pilipinas noong 2016.

Ang hatol ng tribunal: kapuwa may kinamulatang karapatan sa shoal ang maliliit na mangingisdang Filipino at Tsino. Ang lugar na ito ay kinilala bilang common fishing ground. Hindi maaaring pigilan ng China o ng Pilipinas ang mga mamamayan ng kabilang bansa na makinabang sa shoal. Pinagsabihan ng tribunal ang China dahil pinigilan nito ang mga Filipinong mangingisda sa shoal. 

Sa pamamagitan ng arbitration case, hinamon ng Filipinas ang pagpapairal ng 9-dash line ng China sa halos buong South China Sea, kabilang ang West Philippine Sea, at nanawagan itong tigilan na ng China ang mga gawain nitong taliwas sa nananaig na karapatan at nasasakupan ng Pilipinas. Iginiit ng China na nauna itong magkaroon ng karapatan sa Scarborough Shoal dahil ito umano ay bukod na islang may sariling exclusive economic zone.

Noong 2016, ibinalita ng Permanent Court of Arbitration na pinaboran ng isang arbitral tribunal ang Pilipinas sa kaso nito laban sa China. Hatol ng arbitral tribunal sa The Hague, Netherlands, na “walang legal na basehan ang sinasabi ng China na historic rights nito sa mga yamang-dagat na nasa loob ng 9-dash line, maliban sa mga itinataga ng Convention para rito.”

Idineklara naman ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang talumpati sa United Nations assembly noong 2020 na “mariing tinatanggihan ng Pilipinas ang mga tangkang pagpapahina” sa desisyon ng tribunal. Ayon kay Duterte, “The Award is now part of international law, beyond compromise and beyond the reach of passing governments to dilute, diminish, or abandon.

(Ang Award ay bahagi na ngayon ng pandaigdigang batas, hindi na maikokompromiso at hindi na magagalaw ng mga lumilipas na pamahalaan para pahinain, bawasan, o talikuran.)

Kamakailan lamang, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inulit ni Duterte kay Chinese Ambassador Huang Xilian na pinaninindigan ng Pilipinas ang pagkapanalo nito sa tribunal. Nangyari ito matapos iulat ng Philippine Coast Guard na natuklasan nito ang 220 barkong pangisda ng China sa West Philippine Sea noong Marso.

Nitong Abril 13, namatyagan ng National Task Force for the West Philippine Sea na naragdagan pa Chinese vessels na nasa pangangalaga ng mga Chinese maritime militia sa West Philippine Sea. Simula Abril 5, araw-araw na naghahain ng diplomatic protest ang Pilipinas patungkol sa mga barkong Tsino sa West Philippine Sea. – Salin ni Loreben Tuquero/Rappler.com

Ang fact check na ito ay salin mula sa Ingles ng orihinal na artikulo ni Therese Litonjua.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mapanlinlang na impormasyon.