Robredo fact checks

MANIPULADONG VIDEO: Nagbanta ng gulo si Putin sa Filipinas kung manalo si Robredo sa halalan

Rappler.com
MANIPULADONG VIDEO: Nagbanta ng gulo si Putin sa Filipinas kung manalo si Robredo sa halalan
Nilapatan ang video ng maling Filipino subtitles, malayo sa orihinal na konteksto ng pahayag ni Putin
Buod
  • Ang sabi sabi: Nagbanta ang pinuno ng Russia na si Vladimir Putin ng malaking problema sa Filipinas kung manalo si Bise Presidente Leni Robredo bilang pangulo sa darating na halalan.
  • Marka: MANIPULADONG VIDEO
  • Ang katotohanan: Nilapatan ng maling salin ang orihinal na video ng press conference ni Putin tungkol sa tugon niya sa alegasyon ni US President Joe Biden. Walang pahayag si Putin na nagbabanta kay Robredo o sa Filipinas.
  • Bakit kailangang i-fact check: Kahit na nasa konteksto ng katuwaan, marami ang nagbabahagi ng post na may sabi-sabing ito at nagtatanong kung totoo ba ang translation sa nasabing video. Nang isulat ang fact check, mayroong higit 21,000 reaksiyon, halos 12,000 na share, at 114,000 na views ang video.
Mga detalye

Sa isang Facebook post noong March 13, makikita ang Filipino subtitle umano ng press conference ng pinuno ng Russia na si Vladimir Putin kung saan nagbabanta siya sa Filipinas kung sakaling manalo si Bise Presidente Leni Robredo sa darating na halalan.

Ayon sa Filipino subtitle ng video, sinasabi ni Putin na “malaking problema” raw ang kanyang idudulot dahil umano sa pahayag ni Robredo na “dapat gayahin ng Pilipinas ang Ukraine.”

Habang isinusulat itong fact check, umabot na sa 21,000 reaksiyon, 11,000 na share, at 114,000 na views ang video.

Manipulado ang video sa post, partikular ang Filipino subtitle nito.

Ang orihinal na pinanggalingan ng video ay ang YouTube channel ng Global News, ang news and current affairs division ng Canadian Global Television Network. Iniupload ito noong March 18, 2021, halos isang taong agwat sa isinapublikong manipuladong video.

Ang orihinal na konteksto ng video ay tumutukoy sa naging pahayag ni Putin kay US President Joe Biden, matapos niyang tawagin si Putin na “killer” o mamamatay-tao. Wala itong kahit na anong koneksiyon hinggil sa relasyon ng Russia sa Filipinas.

Sa kasalukuyan, wala ring naging pahayag si Putin na nagbabanta sa Filipinas o tungkol sa pagtakbo ni Robredo sa pagkapangulo.

Ang mga naging pahayag naman ni Robredo ay umiikot sa pagkondena sa karahasang idinulot ng Russia sa Ukraine, pagdiin sa kahandaan sa “global effects” ng hidwaan tulad ng pagtaas ng presyo ng krudo, at ang paghihikayat na gawing “top priority” ang kaligtasan ng mga Pilipinong nakatira sa mga apektadong rehiyon ng Ukraine.

Bagama’t idiniin ng nagpost na ang manipuladong video ay para sa katuwaan lamang, marami ang nagpamahagi nito na tila naniniwalang totoo ang subtitles. – Dominic Gutoman/Rappler.com

Si Dominic Gutoman ay isang Rappler Mover. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.