Election fact checks

MANIPULADONG LARAWAN: Nanguna si Rastaman sa social media mentions

Rappler
MANIPULADONG LARAWAN: Nanguna si Rastaman sa social media mentions
Mula sa mismong ulat ng 'Frontline Pilipinas' noong Oktubre 7, si Leni Robredo ang nakakuha ng 115,243 social media mentions
Buod
  • Ang sabi-sabi: Ipinakita sa social media mentions na nanguna si Rastaman.
  • Marka: MANIPULADONG LARAWAN
  • Ang katotohanan: Inedit lamang ang litratong ito. Si Bise Presidente Leni Robredo ang totoong nakakalap ng pinakamaraming social media mentions batay sa isinagawang “Pulso ng Netizens” ng “Frontline Pilipinas.”
  • Bakit kailangang i-fact check: Ipinadala ang post na ito sa Facebook group na “Fact-checking in the Philippines” para sa beripikasyon.
Mga detalye

In-upload ng Facebook page na “Sa Ngalan ng Gobyerno” ang isang larawan na umano’y nagpapakitang nangunguna si “Rastaman” o Rolando Plaza sa social media mentions noong Oktubre 7. Napasama siya sa gustong tumakbo sa pagkapangulo sa halalan sa 2022. 

Ang nakalagay sa caption ng litratong ito ay: “Habang abalang magpatayan dito sa social media ang mga tagasuporta ni BBM-Leni (dating senador Bongbong Marcos-Bise Presidente Leni Robredo) at Isko [Moreno]… Palihim na mas lumalakas ang mga PRO Rastaman… yung political meme natin naging mas matunog pa sa mga totoong kandidato, naging pangalawa nalang tuloy sa leading si President (sic) Bong Bong Marcos.”

(While supporters of Bongbong Marcos-Robredo and Isko Moreno are killing each other on social media…those who are pro-Rastaman have been sneakily gaining traction…. Our political memes have become noisier than the promotions for real candidates, so now President (sic) Bongbong Marcos is in second place.)

Ipinadala ang post na ito sa Facebook group na “Fact-checking in the Philippines” upang mabusisi. Mayroon na rin itong 252 reactions, 28 comments, at 41 shares nang naisulat itong fact check. 

Namanipula ang larawang ito.

Si Robredo ang totoong nakakuha ng 115,243 social media mentions at inedit lamang ang mukha ni Rastaman dito. 

Si Rolando Plaza, o mas kilala sa bansag na “Rastaman,” ay hindi kabilang sa listahan ng mga tatakbong pangulo sa susunod na halalan. Samantala, maugong ang kanyang pangalan sa social media dahil makailang beses na itong sumubok tumakbo sa pambansang halalan. 

Kasabay ng pormal na pag-anunsiyo ni Robredo ng kanyang pagtakbo sa pagkapangulo sa susunod na halalan, sinukat ng “Frontline Pilipinas” ang pulso ng netizens sa pamamagitan ng social media mentions noong Oktubre 7. 

Sa bandang 1:05:49 ng live broadcast ng “Frontline Pilipinas” sa Youtube channel ng News5Everywhere, ipinakita ang mga pagbanggit sa mga tatakbo at napupusuang tumakbo bilang presidente sa halalan sa 2022. Umabot sa 115,243 ang social media mentions ni Robredo. Sinundan ito ni Bongbong Marcos, na mayroong 6,749 mentions; Isko Moreno, na mayroong 1,611 mentions; Manny Pacquiao, na mayroong 1,285 mentions; at Ping Lacson, na mayroong 296 mentions.

Hindi man naghain ng certificate of candidacy sa pagkapresidente si Sara Duterte, mayroon siyang 1,257 mentions noong araw na iyon. 

Meltwater, isang media monitoring company, ang naging source ng ulat ng bilang ng mga mentions. – Dianne Sampang/Rappler.com

Si Dianne Sampang ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.