Election fact checks

HINDI TOTOO: Abogado ni Robredo, suportado ang pagtakbong VP ni Duterte

Rappler
HINDI TOTOO: Abogado ni Robredo, suportado ang pagtakbong VP ni Duterte
Sinabi lang ni Romulo Macalintal na, sa aspektong legal, hindi bawal ang balak ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ngunit hindi kailanman nagpahayag ng suporta rito ang abogado.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Suportado ni Romulo Macalintal, abogado ni Bise Presidente Leni Robredo, ang planong pagtakbo bilang bise presidente sa 2022 ni Pangulong Rodrigo Duterte.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Hindi kailanman nagpahayag ng suporta si Macalintal kay Duterte. Sinabi lang niya na, sa aspektong legal, hindi eksaktong mali ang balak ni Duterte, ngunit may mga masamang implikasyon ito. 
  • Bakit kailangang i-fact-check: May higit 97,000 na views at 515 na komento sa YouTube ang bidyong naglalaman ng sabi-sabi nang isulat ang fact check na ito.
Mga detalye

Ayon sa isang bidyong inilabas ng YouTube channel na “DDS NEWSINFO” noong Hulyo 10, suportado raw ni Romulo Macalintal, abogado ni Bise Presidente Leni Robredo, ang planong pagtakbo bilang bise presidente sa 2022 ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa bandang 1 minuto at 12 segundo ng bidyo, makikita sa ibaba ng screen ang mga salitang, “ABOGADO NI LENI, SUPORTADO SI DUTERTE.”

May higit 97,000 na views at 515 na komento sa YouTube ang bidyo nang isulat ang fact check na ito.

Hindi ito totoo.

Hindi kailanman nagpahayag ng suporta si Macalintal kay Duterte at sa plano nitong pagtakbo bilang bise presidente sa 2022. Ang sinabi lang ng abogado, walang eksaktong mali sa balak na ito ni Duterte kung legalidad ang pag-uusapan.

Gayon pa man, sinabi ni Macalintal na may mga masamang implikasyon ang pagtakbo ni Duterte bilang bise presidente.

Must Read

Duterte says his VP bid for political leverage

Duterte says his VP bid for political leverage

Sa isang panayam noong Hulyo 2, sinabi ni Macalintal na maaaring tumakbo si Duterte dahil hindi ito ipinagbabawal ng Konstitusyon. Ngunit, aniya, duda siyang itutuloy ito ng Pangulo.

Sabi ni Macalintal: “If he runs for the vice presidency under the PDP-Laban, it shows that the PDP-Laban is a weak, very weak political party because they don’t even have material for the vice presidency. If PDP-Laban is a strong political party, then why is it hard for them to look for a vice presidential candidate?”

(Kung tatakbo siya sa pagkabise presidente sa ilalim ng PDP-Laban, ipinapakita nito na napakahina ng partidong ito dahil wala man lang silang ibang pambato para sa pagkabise presidente. Kung malakas ang PDP-Laban, bakit hirap silang humanap ng kandidato para sa pagkabise presidente?)

Dagdag pa ni Macalintal, aagawan ni Duterte ng pagkakataon ang iba pang mga pulitiko. “If he runs for the vice presidency, then he might deny other people of the right or the opportunity…to render public service also,” sabi ni Macalintal.

(Kung tatakbo siya bilang bise presidente, pinagkakaitan niya ang ibang tao ng karapatan o pagkakataon para makapaglingkod sa publiko.)

Si Macalintal ay isang abogadong eksperto sa eleksiyon. Isa siya sa mga abogado ni Robredo na lumaban sa protestang inihain ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos itong matalo ni Robredo sa halalan noong 2016. (TIMELINE: Marcos-Robredo election case)

Tumakbo rin bilang senador si Macalintal noong 2019 kabahagi ng Otso Diretso slate ng Liberal Party, ngunit hindi ito nanalo. – Pauline Macaraeg/Rappler.com

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.