Leni Robredo

HINDI TOTOO: Bumagsak ang net satisfaction rating ni Robredo sa bagong SWS survey

Rappler.com
HINDI TOTOO: Bumagsak ang net satisfaction rating ni Robredo sa bagong SWS survey
Ang inilabas ng SWS nitong Marso 2022 ay full report ng survey na isinagawa noong Disyembre 2021 at nagpapakita ng net satisfaction ratings ni Robredo at iba pang pangunaging opisyal ng bansa
Buod
  • Ang sabi-sabi: Bumagsak ang net satisfaction rating ni Vice President Leni Robredo sa bagong survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Marso 2022.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Ang inilabas ng SWS nitong Marso 2022 ay full report ng survey na isinagawa noong Disyembre 2021 at nagpapakita ng net satisfaction ratings ni Robredo at iba pang pangunaging opisyal ng bansa. Ang nasabing ratings ni Robredo mula Disyembre 2021 ay kasama rin sa taunang SWS Survey Review – tinipon na mga survey nang nagdaang taon – na inilabas ng SWS nitong Pebrero 2022 lang.
  • Bakit kailangan i-fact-check: Nang isulat ang fact-check na ito, mayroon nang mahigit 2,400 reaksiyon, 5,254 komento, at 36,371 views ang post sa YouTube.
Mga detalye

Isang post noong Marso 12 ng YouTube channel “Showbiz Fanaticz” ang nagsasabi na bumagsak ang net satisfaction ratings ni Bise Presidente Leni Robredo sa bagong labas na survey ng Social Weather Stations (SWS).

Nakalagay sa caption ng post ang linyang, “Matapos ang paninira kay Bongbong | Net Satisfaction ni Robredo Nag -27% | Kakampinks iyak!”

Sinabi sa 0:14 timestamp ng bidyo, “Matapos ipagmalaki ang kaniyang proclamation rally sa Cavite at Bacolod, at tila nag yabang pa sa naging senador na si Bongbong Marcos, ay tila hindi inaasahan ng bise presidente na bubulusok ang kaniyang net satisfaction rating na inilabas ngayon lamang.” 

Binanggit sa bidyo na ang tinutukoy na ratings ay mula sa report ng SWS survey.

Nang isulat ang fact-check na ito, mayroon nang mahigit 2,400 reaksiyon, 5,254 komento, at 36,371 views ang post sa YouTube.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Ang full report na inilabas ng SWS survey noong Marso 11 ay nagpapakita ng mga resulta ng survey na kanilang isinagawa noong Disyembre 2021. Hindi iyon resulta ng anumang bagong survey na isinagawa ngayong 2022. 

Ang title ng full report ng SWS survey ay “Fourth Quarter 2021 Social Weather Survey.” Sinabi rin sa report na ang survey ay ginawa mula Disyembre 12 hanggang 16, 2021.

Ang full report na ito ay kasama sa SWS Survey Review – ang taunang pagtitipon ng mga survey mula sa nakaraang taon – na inilabas nitong Pebrero 2022. 

Inalam sa December 2021 survey ang net satisfaction ratings ng apat sa pinakamataas na opisyal ng gobyerno bago ang pangulo: Bise Presidente Leni Robredo, Senate President Vicente Sotto III, House of Representatives Speaker Lord Allan Velasco, at Chief Justice Alexander Gesmundo.

Tumatakbo sa pagkapangulo si Robredo, samantalang tumatakbo sa pagkabise presidente si Sotto sa darating na eleksiyon sa Mayo. – Lorenz Pasion/Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.