Fact checks about countries

KULANG SA KONTEKSTO: Ginaya ng South Korea ang disenyo ng Bataan Nuclear Power Plant

KULANG SA KONTEKSTO: Ginaya ng South Korea ang disenyo ng Bataan Nuclear Power Plant
Ang disenyo ng mga gusali ay nakabatay sa mga pamantayan ng International Atomic Energy Agency
Buod
  • Ang sabi-sabi: Ginaya ng South Korea ang “model” ng Bataan Nuclear Power Plant.
  • Marka: KULANG SA KONTEKSTO
  • Ang katotohanan: Ang disenyo ng mga gusali ay nakabatay sa mga pamantayan ng International Atomic Energy Agency.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Mayroong humigit-kumulang na 3,700 na reaksiyon at 5,200 na shares ang post nang isinulat ang fact check.
Mga detalye

Sinasabi ng Facebook post ng isang “Harvey Caligtan” na ginaya ng South Korea ang modelo ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na itinayo sa panahon ng diktador na si Ferdinand Marcos.

Sabi ng post, “ANG TWIN NUCLEAR PLANT NG BANSANG PILIPINAS AT SOUTH KOREA (DAHIL GINAYA NG SOUTH KOREA NOONG 1983 (Hanul) ANG PINAGAWA NI MARCOS).”

Nakabilog sa larawan ng post ang dalawang magkatulad na gusali sa BNPP at Hanul Nuclear Power Plant sa Gyeongsangbuk-do, South Korea. Ayon sa post, “yup mga chinggu (kaibigan), ang eksaktong model na meron tayo, ay kanila din ipinagawa.”

Kulang sa konteksto ang pahayag na ito.

Ang mga binilugang silindro sa larawan ay ang mga containment dome o containment building ng Hanul Nuclear Power Plant at BNPP. Dito nakalagay ang mga nuclear reactor ng planta.

Nakasulat sa mga patakaran ng International Atomic Energy Agency (IAEA) na ang disenyo ng containment building ay dapat na hugis-silindro. Dahil dito, disenyong “curvilinear dome” ang karaniwang ginagamit ng industriya dahil sa kakayahan nitong matagalan ang mataas na temperatura at presyur.

Bagamat ang mga patakaran ng IAEA ay walang legal na batayan, maaaring gamitin ng member states tulad ng Filipinas at South Korea ang kanilang mga pamantayan para sa kanilang mga operasyong nuklear.

Ayon sa IAEA, pinipigilan ng disenyo ng containment building ang pagtagas ng radyasyon at iba pang mga produktong nakakapinsala sa kapaligiran. Pinoprotektahan din nito ang nuclear reactor sa mga kondisyon tulad ng lindol at bagyo.

Nakasulat sa kanilang pamantayang pangkaligtasan, “In combination with the containment, it provides radiation shielding for plant personnel and the environment in normal operation and under accident conditions.”

(Sa tulong ng containment, nagbibigay ito ng proteksiyon sa mga empleyado at kapaligiran ng planta sa normal na operasyon at sa mapanganib na kondisyon.)

Bukod dito, magkaiba ang modelo ng mga nuclear reactor sa loob ng mga containment building ng dalawang planta.

Gumagamit ang mga lumang unit sa Hanul Nuclear Power Plant ng dalawang France CPI reactor na lumilikha ng 966 na megawatt, at apat na OPR-1000 reactor na nagbibigay ng 997 na megawatt. Samantala, ang BNPP ay may isang Westinghouse light water reactor na may kakayahang lumikha ng 621 na megawatt.

Nang isinulat ang fact check, ang Facebook post ni “Harvey Caligtan” ay nakapagtala ng higit-kumulang sa 3,700 na reaksiyon at 5,200 na shares.

Na-fact-check ng Rappler ang ibang mga pahayag tungkol sa BNPP:

– Tatiana Maligro/Rappler.com

Si Tatiana Maligro ay isang Rappler intern. Ang fact-check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor. Basahin ito para sa karagdagang detalye tungkol sa internship program ng Rappler.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.