Disinformation

HINDI TOTOO: Ang SPLAT Communications ay isang data analytics firm

Rappler.com
HINDI TOTOO: Ang SPLAT Communications ay isang data analytics firm
Isa itong pro-BBM-Sara Duterte YouTube channel at hindi ito beripikado ng anumang social media site. Ang kanilang partner, Simplified Strategic Solutions (SSS) TV, ay wala ring kaugnayan sa anumang lehitimong organisasyon.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Ang SPLAT Communications ay isang data analytics firm.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Isa itong pro-BBM-Sara Duterte YouTube channel at hindi ito beripikado ng anumang social media site. Ang kanilang partner, Simplified Strategic Solutions (SSS) TV, ay wala ring kaugnayan sa anumang lehitimong organisasyon.
  • Bakit kailangan i-fact check: Marami ang sumisipi sa mga ipinalalabas na pahayag ng SPLAT Communications, lalo na sa mga paksang may kaugnayan sa halalan. Ang kanilang YouTube page ay may higit 10,800 subscribers at 1.8 milyon na views sa kabuuan.
Mga detalye

Kumakalat ngayon sa social media ang posts ng isang umano’y data analytics firm na naglalabas ng pagsusuri ng mga survey na inilathala ng ibang institusyon. Ito ay tinatawag na SPLAT Communications na may katambal na SSS TV, na naglalabas naman ng mga balita tungkol sa sining, mga sikat na personalidad, teknolohiya, at siyensiya.

Hindi totoo ang sabi-sabi na data analytics firm ang SPLAT Communications.

Ang SPLAT Communications ay isang YouTube channel na naglalabas ng mga video na pabor sa tambalan nina Ferdinand “Marcos” Jr. at Sara Duterte sa pagkapangulo at pangalawang pangulo. Ginawa ang channel na ito noong Oktubre 2021 lamang. 

Ang kanilang partner, na tinatawag na SSS TV, ay wala ring kaugnayan sa anumang lehitimong organisasyon. Parehong hindi beripikado ang mga entidad na ito sa lahat ng social media sites.

Bukod sa pagsusuri ng mga survey na isinasagawa ng ibang institusyon, nagsasagawa rin daw ang SPLAT Communications ng sariling pangangalap ng datos na tinatawag nilang Kalye Survey. Sinasabi nilang mas maaasahan daw ang surveys nila dahil sa dami umano ng mga respondente sa mga ito. 

Ang mas kakaunting respondents ng lehitimong surveys ay representante ng opinyon ng buong populasyon dahil siyentipiko ang pamamaraan ng pagpili ng respondents.

Ang Kalye Survey ay isinasagawa ng iba’t ibang mga vlogger sa YouTube sa piling mga daanan sa bansa at walang sinusunod na metodolohiya. Tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan ng mga ito, ang mga “kalye survey” ay isinasagawa gamit ang pakikipagpanayam sa mga taong nagkataong dumaraan sa mga kalye at ang kanilang mga tugon ay pinagsasama-sama upang matawag na “regional preference.”

Noong 2021, sinabi ng estadistikong si Dr. Jose Ramon Albert na ang Kalye Survey ay hindi maaaring ituring na pulso ng buong bansa. Ito ay dahil hindi lahat ng botante ay dumadaan sa mga daanang ito.

Aniya, ang sapalarang pagkuha ng mga respondente mula sa mga kalye ay hindi rin mapanghahawakang pulso ng mga pinangyarihang lungsod o barangay dahil hindi ito base sa random sampling. Naglabas din ang UP School of Statistics ng pahayag hinggil sa mga survey na walang malinaw na metodolohiya. – Josette Saguiped/Rappler.com

Si Josette Saguiped ay isang Rappler intern. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor. Basahin ito para sa karagdagang detalye tungkol sa internship program ng Rappler.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.