Disaster Fact Checks

HINDI TOTOO: May tatamang Super Typhoon Domeng sa Pilipinas nitong Mayo 2022

HINDI TOTOO: May tatamang Super Typhoon Domeng sa Pilipinas nitong Mayo 2022
Ayon sa pinakahuling weather forecast ng PAGASA nitong Hunyo 1, 2022, walang super typhoon sa loob ng Philippine Area of Responsibility nang i-post ang video ng sabi-sabi noong Mayo 31
Buod
  • Ang sabi-sabi: Mayroong super typhoon na may pangalang “Domeng” sa Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Mayo 31, 2022.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Walang super typhoon sa loob ng PAR nang isulat ang fact check na ito. Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), isang Low Pressure Area (LPA) lang ang nasa loob ng PAR nang i-post ng YouTube channel ang sabi-sabi.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 2,400 reaksiyon at 252,070 views ang post sa YouTube.
Mga detalye

Isang video noong Mayo 31 ng YouTube channel “CNTV” ang nagsasabi na mayroong isang super typhoon na may pangalang “Domeng” ang nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ang video ay pinamagatang, “Signal No. 3! Bagyong Domeng, Super Typhoon Na! Tatama Sa Luzon At Visayas!”

Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 2,400 reaksiyon at 252,070 views ang post sa YouTube.

Hindi totoo na mayroong super typhoon sa PAR nitong Mayo 31, 2022.

Walang binanggit ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa pinakahuli nitong weather forecast noong Hunyo 1, 2022, na mayroong super typhoon sa loob ng PAR. 

Ayon sa PAGASA, isang Low Pressure Area (LPA) lang ang nasa loob ng PAR. Ito ay may layong 245 kilometro kanluran hilagang kanluran ng Calapan City, Oriental Mindoro.

Ang pinakahuling bagyo na humagupit sa bansa ay pinangalanan na Basyang ng PAGASA at ito ay pumasok sa bansa noong Abril 2022. 

Base sa listahan ng PAGASA ng mga pangalan ng bagyo ngayong taon, ang susunod na bagyo na papasok sa bansa ay papangalanang Caloy at ang susunod dito ay papangalanang Domeng.

Ang pinakahuling bagyo naman na pinangalanan na Domeng ng PAGASA ay dumaan sa bansa noong Hunyo 2018. – Lorenz Pasion/Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.