Election fact checks

HINDI TOTOO: Maaaring tumagos ang tinta sa balota at mapunan ang bilog sa kabilang pahina

Rappler.com
HINDI TOTOO: Maaaring tumagos ang tinta sa balota at mapunan ang bilog sa kabilang pahina
Sa disenyo ng balota na ginawa ng Commission on Elections, hindi magkahanay ang posisyon ng mga bilog sa magkatalikod na pahina. Ito ay para hindi maapektuhan ang mga boto kung sakaling tumagos ang tinta sa kabilang pahina, at ang boto ay bibilangin pa rin ng vote counting machine.
Buod
  • Ang sabi sabi: Kapag nag-shade o initiman ang buong bilog sa mga balota, maaaring tumagos ang tinta sa mga bilog sa likod ng pahina at mamali ang pagbasa ng makina sa boto.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Sa disenyo ng balota na ginawa ng Commission on Elections (Comelec), hindi magkahanay ang posisyon ng mga bilog sa magkatalikod na pahina. Ito ay para hindi maapektuhan ang mga boto kung sakaling tumagos ang tinta sa kabilang pahina, at ang boto ay bibilangin pa rin ng vote counting machine (VCM). 
  • Bakit kailangang i-fact check: Dahil sa patuloy na pagkalat ng screenshots na may sabi-sabing ganito sa social media, may mga botante nawawalan ng kumpiyansa sa pagboto.  
Mga detalye

Ayon sa isang kumakalat na Messenger screenshot, sinasabing kailangang mag-ingat kung iboboto ang Kabataan party-list group dahil bumabakat daw ang tinta ng marker. Sa kabilang pahina, ito raw ay tatapat sa oval ni Sara Duterte na kumakandidato sa pagkabise presidente. 

Ibig sabihin, kung ayaw mo kay Sara Duterte, huwag mo ring iboto ang Kabataan party-list na nais ipa-disqualify ng administrasyon ng ama ni Sara na si Pangulong Rodrigo Duterte. Maaari ring kung ayaw mo sa Kabataan ay huwag mong na lang itiman ang bilog ni Sara dahil kapag tumagos ito ay maaaring basahin bilang boto ng party-list group.

Mayroong ding mga kumakalat na Messenger screenshots kung saan hinihikayat ang mga botante na isakripisyo muna ang kandidatong iboboto sa party list, dahil hindi raw mabibilang ang boto kung tatama ito sa oval ng napiling kandidato sa pagkapangulo, dulot ng pagtagos ng tinta sa kabilang pahina. 

Ayon sa isang fact check ng Interaksyon, mayroon ding isang tweet na may kaparehong sabi-sabi na nagsimulang kumalat noong Abril 21.

Lumitaw din ang sabi-sabing hindi dapat itiman nang buo ang bilog upang maiwasan ang pagtagos ng tinta na maaaring makaapekto sa mga kandidatong iboboto sa kabilang pahina. 

Hindi totoo ang mga ito. 

Hindi magkakatapat ang mga bilog ng mga kandidato sa magkatalikod na pahina ng balota. Kahit pa magkaroon ng pagtagos ng tinta, mabibilang pa rin ng vote-counting machines sa tamang kandidato ang boto. 

Kung susuriin ang format ng balota na ginawa ng Comelec para sa 2022 na halalan, mapapansin na hindi magkahanay ang mga oval sa magkatalikod na pahina ng balota. 

Sa unang pahina ng balota ay nakalista ang mga kandidatong maaaring pagpilian sa para sa pangulo, pangalawang pangulo, mga senador, at mga lokal na kandidato. Listahan ng mga party-list groups naman ang nasa ikalawang pahina ng balota.

Iisang balota lamang ang gagamitin, at magkatalikod na inimprentahan ng National Printing Office ang pahina nito. 

Mapanlinlang din ang sabi-sabing maiiwasan ang pagtagos ng tinta kapag hindi initiman nang buo ang bilog. Sa panutong inilabas ng Comelec sa kanilang website, nararapat na itiman nang buo ang bilog na makikita bago ang pangalan ng napiling kandidato. 

Ang totoo, may panganib na hindi mabasa ng makina ang boto kung hindi maiitiman ng botante ang buong bilog na katabi ng pangalan ng kandidato.

Alinsunod sa Comelec Resolution No. 10419 noong 2018, itinalaga na 25% minimum threshold ang dapat maabot kapag initiman ang oval upang mabilang ang boto na kumakatawan para sa napiling kandidato. Ang minimum threshold na ito ay unang sinunod noong 2019 na halalan.

Binigyang-linaw rin ni election lawyer Emil Marañon III ang sabi-sabing ito. “The ballot was designed na hindi nagpapantay ‘yung ovals para kahit mag-blot at tumagos sa kabila, hindi matatamaan ang ovals sa other side,” ayon kay Maranon. 

Nanawagan din si Marañon na itigil na ang pagpapakalat nito. Maaari nitong guluhin ang isipan ng mga Filipino sa tamang proseso ng pagboto at makaimpluwensya sa kanilang mga pagpapasya sa Mayo 9. Tinawag niya itong “vicious black ops” ngayong ilang araw na lang bago ang halalan. – Allena Therese Juguilon/Rappler.com

Si Allena Therese Juguilon ay isang Rappler Mover. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.