Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Sinisiraan ng US si Bongbong Marcos dahil sa papalapit na eleksiyon

Rappler
HINDI TOTOO: Sinisiraan ng US si Bongbong Marcos dahil sa papalapit na eleksiyon
Walang patunay na nagsabwatan ang US at ang oposisyon laban sa dating senador. Wala ring opisyal na pahayag ang gobyerno ng US tungkol kay Bongbong Marcos.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Sinisiraan na raw ng United States si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa takot na baka siya ang maging susunod na presidente ng Filipinas. 
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Walang patunay na nagsabwatan ang US at ang oposisyon laban sa dating senador. Wala ring opisyal na pahayag ang gobyerno ng US tungkol kay Marcos. Ginawa lang na basehan ng maling bidyo ang isang dokumentaryo tungkol sa nakatagong yaman ng pamilyang Marcos.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Na-monitor sa Crowdtangle ang bidyong naglalaman ng sabi-sabing ito. Nang naisulat itong fact check, mayroon nang 3,410 views ang bidyo. Makikita rin ang bidyo sa Facebook page na “Maharlikan atin toh.”
Mga detalye

Isinasaad ng isang bidyo mula sa “TRENDING VIRAL TODAY” na nakikipagtulungan na raw ang America sa mga “dilawan,” ang kampo ng oposisyon, upang siraan si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa takot na mahalal ito bilang susunod na presidente ng Filipinas. Lumabas ang bidyo sa YouTube noong Agosto 18, 2021.

Ang bidyo ay pinamagatang, “NAKAKAKILABOT AMERICA INUMPISAHAN NG SIRAAN SI BBM, TAKOT SILA NA MAGING PANGULO SIYA NG PILIPINAS!” (Scary! America has started attacking BBM. They’re afraid he will become Philippine president.)

Pinag-usapan sa bidyo kung paano maaaring maipagpatuloy ni Bongbong ang naiwang “legacy” ng kanyang ama, ang diktador na si Ferdinand Marcos, at ang nasimulan at maiiwang mga proyekto ng kasalukuyang pangulo na si Rodrigo Duterte.

Nang naisulat ang fact-check na ito, mayroong 3,410 views ang nasabing bidyo. Makikita rin ang bidyo sa Facebook page na “Maharlikan atin toh,” kung saan mayroong 375 na reaksiyon, 149 na komento, at 81 na shares ang post. Namataan ang bidyong ito sa CrowdTangle.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito. 

Walang patunay na nagsabwatan ang Amerika at ang oposisyon laban kay Bongbong. Wala ring opisyal na pahayag ang kahit na sinong politiko sa US, o ang gobyerno nito, na naninira sa dating senador.

Sa halip, ginawang basehan lang ng bidyo ang isang ulat mula sa Interaksyon na tungkol sa dokumentaryo ng Bloomberg na pinamagatang “The Mystery of a Dictator’s Missing $10 Billion Fortune.”

Sa dokumentaryong ito, sinabi ng abogadong si Robert Swift na tiwala siyang maaaring lumitaw ang nakatagong yaman ng pamilyang Marcos sa darating na eleksiyon.

Si Swift ay isang prominenteng abogado na nagtataguyod ng karapatang pantao, ngunit hindi niya nirerepresenta ang buong US.

Hindi rin totoo and sinabi sa bidyo ng “TRENDING VIRAL TODAY” na kung tutuusin ay wala raw nakaw o itinatagong yaman ang mga Marcos. Ang totoo, ilang kaso na ang naisampa laban sa pamilya dahil sa kanilang pagnanakaw sa kaban ng bayan. Ilang beses na ring na-fact-check ang mga kasinungalingan ng pamilya tungkol sa Batas Militar, rebolusyon sa Edsa, at mga kaso ng pamilyang Marcos.

Wala pang opisyal na anunsiyo ang kampo ni Marcos, ngunit matunog na usap-usapan na tatakbo ito sa halalan sa 2022. – Dianne Sampang/Rappler.com

Si Dianne Sampang ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact checklabanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.