Election fact checks

MANIPULADONG VIDEO: Kinanta ni Ely Buendia ang ‘Lutang’ sa grand rally ni Robredo sa Iloilo

Rappler.com
MANIPULADONG VIDEO: Kinanta ni Ely Buendia ang ‘Lutang’ sa grand rally ni Robredo sa Iloilo
Hindi kasama ang kantang 'Lutang' sa mga kinanta ni Buendia sa Iloilo grand rally ni Robredo
Buod
  • Ang sabi-sabi: Paulit-ulit kinanta ni Ely Buendia ang isang linya ng kantang “Lutang” sa Iloilo grand rally ni presidential candidate Leni Robredo noong Pebrero 25.
  • Marka: MANIPULADONG VIDEO
  • Ang katotohanan: Manipulado ang video clip na nilagyan ng audio mula sa kanta ni Ely Buendia at Itchyworms na “Lutang.” Sa orihinal na bidyo mula sa grand rally, ang kantang “Alapaap” ang kinakanta ni Ely Buendia. Hindi rin kasama ang kantang “Lutang” sa mga kinanta ni Ely Buendia sa grand rally ni Robredo sa Iloilo.
  • Bakit kailangan i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang 20,000 reaksiyon, 2,700 komento, at 405,000 views ang post sa Facebook.
Mga detalye

Isang post ng Facebook page “VOVph” noong Pebrero 26 ang nagpapakita ng isang video clip ni Ely Buendia na kinakanta umano ang kantang “Lutang” sa grand rally ni Bise Presidente Leni Robredo sa Iloilo noong Pebrero 25.

Maririnig sa video clip na paulit-ulit kinakanta ni Buendia ang linyang “at ako’y mananatiling lutang” habang ipinapakita ang pagsabay ng Bise Presidente at kaniyang mga anak sa kanta.

Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang 20,000 reaksiyon, 2,700 komento, at 405,000 views ang post sa Facebook.

Manipulado ang bidyo sa post.

Edited ang video clip na ipinakita ng Facebook post ng pagkanta ni Buendia ng isang linya mula sa kantang “Lutang.” Makikita sa orihinal na bidyo ng Manila Bulletin na ang kantang “Alapaap” ang kinakanta ni Buendia sa partikular na bahaging ito ng kaniyang pagtatanghal sa grand rally ni Robredo sa Iloilo. 

Inawit rin ni Buendia ang mga kantang “Alapaap,” “Ligaya,” “Pare Ko,” “With A Smile,” at “Ang Huling El Bimbo” sa grand rally ni Robredo. Hindi kinanta ni Buendia ang kantang “Lutang” na nakalagay sa manipuladong video clip. 

MANIPULADONG VIDEO: Kinanta ni Ely Buendia ang ‘Lutang’ sa grand rally ni Robredo sa Iloilo

Nag-tweet si Buendia noong Setyembre 2021 na may pag-asa nang mag-reunion ang bandang Eraserheads kung tumakbo si Leni Robredo sa pagkapangulo. Tinawag ni Buendia na “half serious joke” ang kaniyang tweet sa isang press conference.

Ang Eraserheads ay isa sa mga pinakasikat na banda sa Pilipinas. Nag-disband sila noong 2002 matapos ang mahigit isang dekada ng paglikha ng musika.  

Dumalo rin sa grand rally ni Robredo sina Edu Manzano, Cherry Pie Picache, Bituin Escalante, Gab Valenciano, Precious Lara Quigaman-Alcaraz, Ogie Diaz, JK Labajo, Rivermaya, at Sharon Cuneta, na asawa ni vice presidential candidate Kiko Pangilinan.

Na-fact-check na ng Rappler ang Facebook page na “VOVph” dahil sa mga sabi-sabi na ipino-post nito na hindi totoo. Narito ang iba pang fact check articles ng Rappler ng mga sabi-sabi ng Facebook page na “VOVph”:

– Lorenz Pasion/Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.