Robredo fact checks

MANIPULADONG VIDEO: Sumayaw si Robredo sa himig ng ‘Dayang Daya’

Rappler.com
MANIPULADONG VIDEO: Sumayaw si Robredo sa himig ng ‘Dayang Daya’
Nilapatan ng ‘Dayang Daya’ ang orihinal na video kung saan sumabay si Robredo sa katutubong sayaw ng mga taga-Occidental Mindoro.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Sumayaw si Bise Presidente Leni Robredo ng “Dayang Daya” ni Yoyoy Villame habang nangangampanya sa Occidental Mindoro – pahiwatig umano na may balak itong mandaya sa eleksiyon.
  • Marka: MANIPULADONG VIDEO
  • Ang katotohanan: Nilapatan ng “Dayang Daya” ang orihinal na video kung saan sumabay si Robredo sa katutubong sayaw ng mga taga-Occidental Mindoro.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang isinulat ang fact check, mayroon nang mga 70,000 na reaksiyon, 4,500 na komento, at 9,800 na share ang post, at mayroon namang 929,000 na views ang video.
Mga detalye

Sa isang bidyo na pinost ng Facebook page na “Federal Philippines” noong Abril 11, sumasayaw ang Bise Presidente at kandidato sa pagkapangulo na si Leni Robredo sa isang kampanya sa himig umano ng kantang “Dayang Daya” ni Yoyoy Villame

Ipahiwatig ng post na ang ibig sabihin nito umano ay may balak mandaya sa eleksiyon si Robredo: “Sumayaw si Leni ng Daya-daya mandaraya.” 

Nang isinulat ang fact check na ito, mayroon nang 70,000 na reaksiyon, 4,500 na komento, at 9,800 na share ang post, at mayroon namang 929,000 na views ang video.

Manipulado ang video.

Maririnig ang totoong kantang ginamit sa video sa isang artikulo ng Rappler noong Abril 6. Sinabi rin sa report na ang pagsayaw na iyon ni Robredo ay naganap sa isa niyang kampanya sa araw na iyon sa Occidental Mindoro. 

Ang orihinal na pinanggalingan ng video ay ang Facebook page na “Dapat si Leni,” sa isang post nila noong araw rin na iyon. (BASAHIN: Up by 9 points in survey, Robredo dances with Mangyans in Occidental Mindoro)

Makikita rin ang nasabing video sa mga Facebook page ng Rappler, INQUIRER.net, at Philippine Star.

Malinaw na hindi ang kantang “Dayang Daya” ang maririnig sa video ng pagsayaw ni Robredo. Sa video ng pagsayaw na iyon ni Robredo na kuha naman ng CNN Philippines, maririnig na ang kantang tunay na ginamit ay ang “Kay Leni Tayo,” na isa sa mga kantang pangampanya niya.

Kasama niyang sumasayaw ang ilang mga Mangyan noong mga oras na iyon, kasabay ang hiyawan ng madla ng pangalang “Leni.”  

Sa mga komento, may mga tila naniniwala na ang kantang “Dayang Daya” nga ang pinatutugtog habang sumasayaw si Robredo. May mga komento rin naman na nagsabing ang video ay nagpapakita ng kultural na sayaw ng mga Mangyan, na mga katutubo sa Mindoro Occidental.

Dati nang na-fact-check ng Rappler ang Facebook page na “Federal Philippines.” – Percival Bueser/Rappler.com

Si Percival Bueser ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.