Election fact checks

HINDI TOTOO: Dahil sa ‘3G to 4G’ upgrade, hindi na matutukoy ang lokasyon ng vote-counting machines

Rappler.com
HINDI TOTOO: Dahil sa ‘3G to 4G’ upgrade, hindi na matutukoy ang lokasyon ng vote-counting machines
Walang epekto ang pag-upgrade mula 3G patungong 4G sa pag-alam sa lokasyon ng VCM. Para lamang ito sa pagpapabilis ng komunikasyon at paglipat ng datos.
Buod 
  • Ang sabi-sabi: Dahil sa pagbabago ng protocol ng Smartmatic, mula 3G patungong 4G, hindi na matutukoy ang lokasyon ng mga vote counting machine (VCM) na magpapadala ng bilang ng mga boto ngayong eleksiyon sa 2022.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Walang epekto ang pag-upgrade mula 3G patungong 4G sa pag-alam sa lokasyon ng VCM. Ang lokasyon ng VCM ay maaaring alamin sa pamamagitan ng global positioning system (GPS) o sa pamamagitan ng triangulation. Kung ang pinagmulan naman ng transmitted election return ang nais alamin, makikita ito sa clustered precinct ID, IP address, at MAC address. 
  • Bakit kailangang i-fact-check: Ipinahayag ito ni vice presidential candidate Vicente Sotto III sa isang press conference kasama ang kanyang standard-bearer na si Panfilo Lacson. 
Mga detalye 

Nitong Sabado, Abril 23, nagbabala si Senate President Vicente Sotto II, na tumatakbo sa pagkapangalawang pangulo, na ang pagbabago ng protocol ng Smartmatic mula 3G patungong 4G ay hahadlang umano sa pag-alam ng lokasyon ng vote counting machines (VCM) na gagamitin ngayong eleksiyon sa 2022. 

Sa isang press conference kasama ang kanyang standard-bearer na si Senador Panfilo Lacson, sinabi ni Sotto: “Once we cannot track the IP address, we don’t know where the VCM is coming from…. Sa sinasabi ngayon ng aming IT expert, hindi traceable eh, once they do 3G to 4G, which they are doing now.”

(Sa oras na hindi natin matukoy ang IP address, hindi na natin malalaman kung saan nanggagaling ang VCM. Sa sinasabi ngayon ng aming IT expert, hindi masusubaybayan eh, sa oras na magpalit sila mula 3G to 4G, na siyang ginagawa nila ngayon.)

Hindi totoo ang haka-hakang ito. 

Taliwas sa sinabi ni Sotto, walang epekto ang pagpapalit mula 3G patungong 4G sa pag-alam ng lokasyon ng mga VCM. Nakikita pa rin ang IP address sa loob ng network, at may mga “log” o rekord sa daraanan nitong network devices.

Bukod sa IP address na maaaring gamitin sa pag-alam ng pinanggalingan ng election return, may iba’t ibang paraan para alamin ang datos na mula sa voting machine, ayon kay Lito Aviera, IT expert at systems head ng National Movement for Free Elections (Namfrel):

  • Clustered Precinct ID: May paraan ang Commission on Elections (Comelec) upang alamin ang pinagmulan ng election return sa pamamagitan ng clustered precinct number at ang katuwang nitong serial number na mula sa VCM. 
  • MAC (Media Access Control) Address: Bawat device na kumokonekta sa isang network ay may katuwang na natatanging MAC Address. Kung kasama ang nasabing impormasyon sa ipinapadalang datos, posible ang pag-alam ng lokasyon ng election return. 

Kung pisikal na lokasyon naman ng mga VCM ang nais alamin, malalaman ito sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS), teknolohiya na umaalam sa posisyon ng isang bagay, o sa pamamagitan ng “triangulation,” na gumagamit ng cell towers upang malaman ang eksaktong lokasyon ng mga nasabing VCM. 

Bakit kailangang magpalit sila mula 3G to 4G? Ayon kay Kim Tom Cantillas, secretary-general ng Computer Professionals’ Union, ang ibig sabihin ng pagpapalit ng 3G patungong 4G ay “gagamit ka lang ng teknolohiya na mas mataas ang bandwidth.” 

Dagdag na paliwanag ni Aviera, ang ginawang pag-upgrade mula 3G patungong 4G ng mga VCM ay para sa pagpapabilis ng komunikasyon at paglipat ng datos. Rochel Ellen Bernido/Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.