Fact checks on public officials

HINDI TOTOO: Maling tawaging ‘VP-elect’ si Sara Duterte matapos ang inagurasyon

Rappler.com
HINDI TOTOO: Maling tawaging ‘VP-elect’ si Sara Duterte matapos ang inagurasyon
Maaga lamang nanumpa si Duterte, ngunit hindi pa siya ganap na bise presidente ng bansa. Nakasaad sa Artikulo 7, Seksiyon 4,ng 1987 Konstitusyon na ang simula ng termino ng mahahalal na presidente at bise presidente ay sa tanghali pa ng Hunyo 30.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Hindi na dapat tawaging “vice president-elect” lang si Sara Duterte dahil nanumpa na siya bilang ika-15 bise presidente ng Pilipinas noong Hunyo 19, 2022. 
  • Marka: HINDI TOTOO. Sumasang-ayon ang Rappler sa markang “Hindi Totoo” na nauna nang ibinigay ng Interaksyon sa kanilang fact check sa sabi-sabing ito.
  • Ang katotohanan: Maaga lamang nanumpa si Duterte, ngunit hindi pa siya ganap na bise presidente ng bansa. Nakasaad sa Artikulo 7, Seksiyon 4,ng 1987 Konstitusyon na ang simula ng termino ng mahahalal na presidente at bise presidente ay sa tanghali pa ng Hunyo 30. 
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang maisulat ang fact check na ito, umani na ng 81,037 views, 1,900 likes, at 223 comments ang naturang kasinungalingan. 
Mga detalye

Pinasaringan ng isang YouTube channel ang mga kinatawan ng midya na patuloy na tumatawag kay Sara Duterte bilang “vice president-elect.” 

“Ang fact ay nanumpa na si Sara, so, hindi na siya ‘VP-elect,’ kundi vice president na mismo. Ika-15 ng Republika ng Pilipinas,” ayon umano sa pahayag ng isang abogado na ibinida sa naturang video. 

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Ayon sa Artikulo 7, Seksiyon 4, ng 1987 Konstitusyon, magsisimula lamang ang termino ng mahahalal na presidente at bise presidente ng Pilipinas sa tanghali ng Hunyo 30. Kinikilala rin ng Seksiyon 7 ng Konstitusyon ang president-elect at vice president-elect ng bansa bago pa man sila ganap na mailuklok sa posisyon.

Nagbigay din ng klaripikasyon si Christina Garcia Frasco, ang spokesperson ni Duterte at alkalde ng Liloan, Cebu, na bagaman maagang ginanap ang panunumpa ng vice president-elect, sa tanghali pa ng Hunyo 30 ito mauupo sa kanyang puwesto. – Rochel Ellen Bernido/Rappler.com kasama ni Jan Cuyco/Interaksyon 

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.