Fact Checks about media

MANIPULADONG VIDEO: Sinupalpal ni Xiao Chua si Cheryl Cosim sa isang interbiyu

Rappler.com
MANIPULADONG VIDEO: Sinupalpal ni Xiao Chua si Cheryl Cosim sa isang interbiyu
Hindi boses ni Chua ang sumagot sa tanong ni Cosim sa interbIyu. Nilinaw ni Chua na wala siyang naging ganoong pahayag sa interbIyu niya kay Cosim noong Setyembre 2017. Sinabi rin ni Chua na hindi siya namamahiya ng kausap sa mga interbiyu.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Sinupalpal ng historyador na si Xiao Chua ang mamamahayag na si Cheryl Cosim dahil sa kawalan nito ng kaalaman sa historical development.
  • Marka: MANIPULADONG VIDEO
  • Ang katotohanan: Hindi boses ni Chua ang sumagot sa tanong ni Cosim sa interbIyu. Nilinaw ni Chua na wala siyang naging ganoong pahayag sa interbIyu niya kay Cosim noong Setyembre 2017.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 46,000 na reaksiyon, 4,300 na komento, at 1,000,000 na views ang post sa Facebook.
Mga detalye

Isang Facebook post noong Marso 29 ang nagpapakita ng isang clip mula sa isang interbiyu ng mamamahayag na si Cheryl Cosim at historyador na si Xiao Chua kung saan ay sinupalpal umano ni Chua si Cosim dahil sa kawalan nito ng kaalaman sa historical development.

Nakalagay sa caption ng post, “Ito pa ang isang bias na radyo o! Ano ka ngayon, supalpal ka tuloy!”

Ipinakita sa clip na sinabi ni Cosim na natural ay maraming magagawa ang dating pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos dahil sa haba ng panunungkulan nito bilang pangulo ng bansa. 

Sa 0:12 timestamp ng clip, maririnig ang isang boses ng lalaki na sumagot kay Cosim, “Cheryl Cosim, 21st century na, bakit bobo ka pa rin sa history of economic development?”

Pinaghambing ng nasabing lalaki ang mga unang taon ng mga pangulo gamit ang isang table na sinasabi niya na nagpapakita ng konsepto ng history of economic development. 

Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang higit sa 46,000 na reaksiyon, 4,300 na komento, at 999,000 na views ang post sa Facebook.

Hindi ito totoo.

Manipulado ang video clip na ipinakita sa post. Pinalabas nito na si Chua ang lalaki na nagsalita at sumagot kay Cosim, ngunit wala ito sa orihinal na recording ng interbiyu ni Cosim at Chua noong Setyembre 2017.

Sinabi rin ni Chua sa isang video sa TikTok noong Abril 7, 2022, na hindi siya ang nagsalita sa pekeng video clip.

“’Yung nagsasabi diyan, nagpo-post diyan na ako raw ang bumoljak kay Cheryl Cosim, hindi ko po boses ’yan. Hindi po ako ganyan magsalita sa mga interbiyu,” paglilinaw ni Chua. 

Dagdag pa ni Chua, hindi siya namamahiya ng kausap sa mga interbiyu kaya imposible na siya ang lalaki sa recording. – Lorenz Pasion/Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.